Ating nakagisnan ang pamilya ay isang pangunahing balangkas ng isang lipunan. Ang pamilya ay aking unang guro at ang aming tahanan ay nagsilbing paaralan. Ang aking pamilya rin ang unang naging gabay upang makilala at mahalin ang Diyos na Lumikha at sa aking pamilya rin ang nabigyan ng halaga ang tinatawag na pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.
At higit sa lahat, natagpuan ko ang himala ng Panginoon sa pagkakaloob Niya ng pinakamalaking biyaya, ang aking sariling pamilya sa pamamagitan ng aking asawa at supling na anak nagkaruon ng katuparan ang halaga ng buhay at ng aking pagkakalikha.
Subalit kung ganito kahalaga ang salitang pamilya sa bawa't Pilipino, tulad ko at ng halos 12 milyong Pilipino na nasa iba't ibang bahagi ng mundo, bakit ba kailangan pansamantalang iwanan ng isang ama, ina, o anak ang kanyang kaisa-isahang pamiya upang tahakin ang daan tungo pakikipagsalpalaran bilang isang banyaga.
Inaamin ko na hindi kayang tapatan ng salapi o materyal na bagay ang aking pagkakawalay sa aking pamilya sa maaring maging epekto nito sa kanila sa kasalukuyang lipunan na kanilang ginagalawan.
Subalit lubos akong naniniwala na sa tulong ng Maykapal, ng aking mga kamag-anak at kaibigan ay mapagtutulung tulungan namin ang mga hilahil ng buhay na kaugnay sa aking pagkakawalay sa aking pamilya at mapagtitibay namin ito sa pamamagitan ng pananampalataya, pagmamahalan at pagtitiwala sa isa't isa.
May ilang maling pag-aakala na ang pangingibang bayan ng isang OFW ay isang dahilan ng pagkasira ng pamilyang Pilipino. Sinasabi ko na hindi ang pagiging OFW ang sumisira sa pamilyang Pilipino, ang kawalan ng pananampalataya, pagmamahalan at pagtitiwala ang dahilan kung bakit tayo nagkakasala at nagbibigay daan upang masira ang pamilyang ating minsa'y pinahalagahan. Walang pinipiling lahi, edad, kasarian at lugar ang tukso upang sirain ang isang masayang pamilya.
Ang pangingibang bayan bilang OFW ay isa lamang sa napakaraming solusyon upang labanan ang kawalan ng trabaho, kahirapan at gutom sa ating bansa. Bagama't ang landas tungo sa pangingibang bayan ay puno ng hilahil, pagtitiis at sakripisyo alang-alang sa kinabukasan ng iniwang pamilya sa Pilipinas, ito ay isang marangal na hanapbuhay na nagbibigay pag-asa sa pag-abot ng mga pangarap ng pamilya.
Mahaba na pala ang aking natalakay ukol sa usaping pamilya. Kasi sa aking malayang pakikipagusap sa pamamagitan ng chat kay Mr. Thoughtskoto nuong makalawang araw ay nabuksan ang isang katanungan:
"Pag pamilya ang pinaguusapan, mahirap ba magblog?"
Walamg kagatol gatol na aking ibinulalas ang personal kong kasagutan na "hindi"(hindi mahirap lumikha ng panulat ukol sa sariling pamilya), subalit depende iyan kung gaano kahalaga ang pamilya sa isang manunulat.
Kung hahayaan ng isang blogista ang dikta ng kaisipan kung saan ang pagpapahalaga sa pamilya na tila musika na malayang tumutugtog sa kanyang kamalayan ay di alintana ang bawa't titik na idinidikta nito kasabay bawa't kumpas at pilantik ng mga daliri ng manunulat sa bawa't tikatik na tunog ng "keyboard" upang lumikha ng isang makabuluhang panulat ukol sa Pamilya ay naibabahagi nya ang isang kwento ng kanyang buhay sa pamamagitan ng blog at taas noo nya itong mailalahok sa PEBA 2010 bilang tugon sa adbokasiya tungo sa matibay na Pamilyang OFW at Pamilyang Pilipino.
Ako, bilang bahagi ng PEBA 2010 at isang blogista ay umaasa na sa mga makabuluhang panulat ng aking mga kababayan na lalahok sa patimpalak ng PEBA ay makapagbigay daan ito sa bawa't makababasa na kababayang Pilipino na may pamilya o kapamilyang OFW upang magbigay inspirasyon na mapagtibay pamilyang Pilipino tungo sa matuwid na landas.
Ako rin ay umaasa, na sa pagbabahagi ng kwento ng buhay ng bawa't nominado sa PEBA 2010 ay haplusin nawa nito ang puso ng mga mapagparayang naninilbihan sa Pamahaang P-Noy at sa Konseho ng Kongreso at Senado na ipagsantabi ang personal na interes at sa halip bigyan na halaga ang tinig ng bawa't OFW at mga myembro ng pamilyang OFW para pagtibayin ang ang pamilyang OFW sa isang matibay na tahanang Pilipino tungo sa matibay na bansang Pilipino.
Ikaw kaibigan, pag pamilya ang pinaguusapan, mahirap ba magblog? Sana sumali ka sa PEBA 2010.