Nakababahala ang lumalalang alitan sa pagitan ng Dept. of Tourism (DOT) at ng mga kritiko nito na di sumasang-ayon sa "branding" kung saan ang tagline na "Pilipinas, Kay Ganda" na inilunsad bilang kampanya ng DOT sa pagpapalawig ng turismo sa ating bansa.
Kung ako ang tatanungin at ang mga taong may tunay na damdaming nasyonalismo ay walang pag-aalinlangan sa sasang-ayunan ang paggamit ng wikang Tagalog sa kampanya ng DOT. Ano nga ba ang masama sa paggamit ng wikang Tagalog sa pag-anyaya ng mga banyaga na bisitahin ang bansang Pilipinas?
Kailangan ba ay wikang Ingles ang gamitin upang mapuna ang kalinangan ating bansang Pilipinas sa pandaigdigang merkado ng turismo? Hindi ba puedeng ikalakal ang kagandahan ng ating bansa, ang mayamang kultura, magandang dalampasigan at mayabong na kabundukan na matatagpunan lamang sa ating bansa sa pamamagitan ng maikli at payak na pananalita na isinulat sa wikang Tagalog?
Sa kabila nito ay iginagalang ko rin ang mga opinyon ng mga eksperto sa merkado ng turismo subalit di maikukubli na tila ang lumalalang usapin na ito ay bunsod ng alegasyon na hindi pagpapaunlak ng bagong Kalihim ng DOT sa Tourism Congress na kumakatawan bilang "stakeholders" sa pambansang turismo alisunod sa Tourism Act of 2009 na naging daan ng kawalan ng konsultasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng mga "stakeholders" ukol sa mga pangunahing polisya tulad ng "branding",
Subalit bakit nga ba kailangang palitan ng DOT ang dating "Wow Philippines" na nakalakip sa ating kampanya sa turismo? Dahil ba ito ay nilikha ng nagdaang Administrasyong Arroyo at hindi ba ito naging epektibo sa paghihikayat ng turismo sa ating bansa? Kailangan bang palitan ang bawa't bagay na may kaugnayan sa Pang. Arroyo?
Sa pagitan ng lumalalang bangayan ng DOT at mga kritiko na tila naguumpugang bato ay apektado ang nakararaming OFW. Nakakalungkot pagmasdan ang hanay ng pamahalaan at ng mga pribadong organisayon na tila hindi magkasundo sa mga polisiya ng pagpapalawig ng turismo. Tila naisantabi rin sa usapin na ang mahigit 10 milyong OFW ay kumakatawan bilang tapapagpalaganap ng turismo at ang mga OFW at Expat ay sya ring bahagi ng malaking bilang ng turista na taunang umuuwi sa Pilipinas hindi lamang para makapiling ang mga mahal sa buhay kundi upang mapasyalan rin ang mga magagandang tanawin ng ating bansa.
Ang aking dalangin sana ay mabigyan kalutasan ang usaping "branding" kung saan ang buwis ng mamamayang Pilipino ang ginagamit sa pagpapalawig ng turismo, isang epekibong konsultasyon sa pagitan ng DOT at "stakeholders" ang nawa'y mamagitan tungo sa mapayapang pagkakaisa at huwag sanang kalimutan ang nakararaming OFW at Expats na epektibong tagapagtaguyod ng turismo ng Pilipinas sa iba't ibang bahagi ng mundo.
MABUHAY KA PILIPINAS