Kailan ka uuwi? Katanungang payak subalit may hatid na kurot sa puso ng bawa't OFW kapag ang mahal sa buhay ang naghahanap ng katugunan.
Ilang beses ko na bang narinig ang tanong na ito?
Kailan ka uuwi Daddy? Inosenteng tanong ng aking bunso nung unang taon na ako'y mag-abroad. At makalipas ang 20 taon ko sa bansang banyaga, ito pa rin ang katanungang namumutawi sa kanyang mga labi, sa pangungulila sa isang ama na halos isang buwan lang sa bawa’t taon akong nakakasama at lagi kong sinasabi "Huwag kang mag-alala, uuwi si Daddy".
Kailan ka uuwi? Tanong ng aking asawa na pilit ikinukubli ang impit na pagtangis ng aming damdamin na pinaghiwalay ng malawak na karagatan, at sa kanyang mga panaghoy aking ibinubulong "Huwag kang mag-alala uuwi ako".
Kailan ka uuwi, tanong ng aking nagiisang kapatid, mga pamangkin at mga kaibigang nananabik na ako'y makaharap matapos ang matagal na di pagkikita. "Darating ako dyan, basta antayin ninyo ako, darating ako".
Walang katiyakan, pero puno ng pag-asa.
Kailan nga ba ako uuwi? 20 taon sa abroad, matagumpay na nakapagpatapos ng dalawang anak sa kolehiyo, may maayos na tahanan at kaunting impok, subalit tila ang kasagutan kung kailan ako uuwi ay napakailap at walang katiyakan.
Siguro pinalad lang ako na nagkaruon ng maayos na trabaho at magandang mga benepisyo kaya’t sinasamantala ko ang pagkakataon at umaasang muling makapiling ko ang aking pamilya sa bansang banyaga kahit pansamantala.
Subalit, ang ating mga kapatid kong OFW na kasalukuyang naiipit sa kaguluhan sa bansang Libya, Syria, Iraq at Afghanistan, kailan kayo makakauwi. Lubos ko kayong nauunawaan sa inyong pag-aatubili na umuwi sa ating Inang Bayan kung saan mas lalong walang katiyakan kung may hanapbuhay pa bang naghihintay sa inyong pagbabalikbayan. Ang akin laging dalangin nawa’y patnubayan kayo ni Bathala at gabayan kayo sa inyong kalusugan’t kaligtasan.
Sa aking mga kababayan at sampu ng kanyang pamilya na pinagpalang manirahan sa Amerika, Canada, Europa, at mga bansang mauunlad, kailan kayo uuwi upang bisitahin man lang ang bansang ating pinagmulan? Nawa’y habang tinatamasa ang mga biyayang pinagkaloob sa inyo ng Maykapal, at huwag sana ninyong limutin ang mayamang kultura na inyong kinamulatan at ipagmalaki ang lahing Pilipino kung saan nagmula ang di mabilang ng Bayani ng ating Lahing Kayumanggi.
Tulad ng aking panulat, anumang haba ng sanaysay ay hahantong din sa wakas, tulad ng isang awiti’y may simula at katapusan. At tulad nating mga OFW at Expats, sa kabila ng mausok, buhol buhol na traffic sa EDSA, sobrang init o maulan na panahon at nakakasukang kalakaran sa politika, uuwi’t uuwi tayo upang muling makasama ang ating mahal na pamilya at madama ang tunay na kulturang Pilipino sa tamang panahon.
Kung tutuusin, may 7,107 na dahilan upang ikaw ay umuwi kaibigan at nawa’y sa iyong pagbabalikbayan, bitbit ang iyong maleta na puno ng bagong kaalaman karanasan, kwento ng buhay at pagmamalaskit sa kapwa Pilipino, sa iyong pag-uwi nawa’y ikaw ang simula ng pagbabago.
Ikaw, kailan ka uuwi?