
Isang daan at labing isang taon ang lumipas, muli nating gugunitain ang mga kabayanihan nila Rizal, Aguinaldo, Bonifacio, Mabini at Tandang Sora, sampu ng mga Katipunero at mga sundalong nagbuwis ng buhay para sa ating Inang Bayan upang makamit ang tinatawag na kalayaan mula sa mapanlupig na mga dayuhan sa ating bansa.
Subalit ang mga kwento ng kanilang kabayanihan at pakikipaglaban para sa kalayaan ay hindi nagtatapos sa pagwawagayway ni Hen. Aguinaldo ng Bandila nuong ika-12 ng Hunyo, ito'y isang pagbubukas ng panibagong yugto sa Lahing Pilipino upang harapin ang mga susunod na hamon ng pakikibaka para sa isang mas malayang Pilipinas.
Ang ating Pambansang Kalayaan sa kasalukuyan ay nahaharap sa isang mas malaking pagsubok hindi sa hamon mula sa mga mapanupil na banyaga, kundi sa iilang tao na makapangyarihan at may kayamanan na nais monopolahin ang Kasarinlan ng ating Saligang Batas para sa sariling interest ng mga nakaupo sa Pamahalaan.
Hindi na ang mapanupil na dayuhan ang nagbabanta sa ating kalayaan, kundi ang ating mga kapwa kababayan na minsan ay tinawag nating mga kagalang-galang na naluluklok sa Kongreso ang nagbabantang sumalaula sa ating Kasarinlan na sa pamamagitan ng House Resolution 1109 (HR 1109) o mas kilalang sa tawag "Con-Ass" na kasalukuyang ipinapasa sa Kongreso na pinamumunuan nina Kong. Prosepro Nograles at Arthur Defensor Sr., isang mapanlinlang na pamamaraan upang susugan ang ating kasalukuyang Saligang Batas para sa pansariling kapakanan ng mga makapangyarihang politiko sa ating pamahalaan.
Tulad ng isang hunyango, ang HR 1109 ay isang mapanlinlang na resolusyon na naglalayon upang muling lokohin ang mamamayang Pilipino upang maisulong ng maka-administrasyong Arroyo ang kanilang pagpapalawig ng kanilang termino at pananatili sa puwesto sa pamahalaan sa pagsapit ng Mayo 2010.
Makiisa tayo sa adbokasiya laban sa HR 1109, tutulan natin ang CON-ASS.
Kaibigan, bantayan mo ang ating Kalayaan. Ipaglaban mo ang ating karapatan.
Tandaan mo ang mga taong gustong lumapastangan sa ating kasarinlan at huwag mo silang iboto sa darating na halalan.
Makiisa tayo tungo sa tunay na pagbabago.
HINDI AKO PAPAYAG, "NO TO CON-ASS"
