Saturday, April 3, 2010

Ano Ba ang Kahulugan ng Easter Sa Iyo?



Hinubog ako ng aking namayapang Ina sa lumang tradisyon sa paggunita ng Pasko ng Pagkabuhay ni Kristo. Sa tuwing Byernes Santo, sa pagsapit ng alas tres ng hapon, pinagbabawalan na kaming maglaro sa lansangan ng aming mga magulang, higit pa dyan di ka na puedeng maligo hangga;t hindi sumasapit ang Domingo de Gloria. Isang matandang kaugaliaan na kapag ikaw ay nasugatan sa panahon ng Mahal na Araw ay baka ito ay hindi gumaling lalo pa't patay si Kristo. At kung magiging matigas ang ulo'y tatawagin kang 'hudyo' ng mga nakatatanda. Ang panahon ng pagninilay ay iginugugol sa pagbisita Iglesya, panunuod ng senakulo at penitensya, panunuod ng Ten Commandments na hatid sa black and white TV.

Ang kapistahan ng pagkabuhay ay may hatid na kasiyahan sa aking pagkabata dahil ito ang panunumbalik ng aming muling pagligo sa banyo, malayang paglalaro sa lansangan, at panunumbalik ng mga normal na palabas sa telebisyon. Maari na muling maghabulan sa larong patintero at taguan, muling magtawanan at maghalakhakan na walang sumusuway o tumatawag sa amin na Hudyo.

Subalit ang ala-ala ng Muling Pagkabuhay sa aking kamusmusan ay higit pa sa paglalaro, dahil ito ang sama-sama naming pagsisimba at mula rito ay nagtutungo kami sa Roxas Blvd. upang maligo sa malinis na tubig dagat sa harap ng Redemtorist Church ng Baclaran o dili kaya'y mamamasyal sa Luneta para sa isang salu-salo sa luntiang damong bermuda nito, o kaya'y pamamasyal sa Avenida o sa Downtown ng Maynila.

Ngayon, nabahiran na ng komersyolismo ang tinatawag nating Easter. Wala na ang pagtitipon tipon ng pamilya sa pagdiriwang, iilan na lang din ang nagsisimba ng madaling araw upang masaksihan ang prusisyon ng Salubong. 

Mas nabibigyan kasi ng kahulugan ang pagsalubong sa Easter sa pamamagitan ng Easter Egg Hunt, ng Bunnies, ng Easter gifts at Easter clothes. Kadalasan hindi na nakikita si Kristo sa kanyang matagumpay na pagkabuhay mula sa kamatayan. Paano nga ba mapupuna kung naging abala tayo sa nagdaan na Mahal Na Araw, sa mahabang bakasyon kung saan iginugol natin ang ating panahon mula sa paguwi sa probinsya at paghanga sa maganda nitong mga tanawin. 

O dili kaya'y sa mahabang oras na ating iginugol sa paggamit ng internet, "connecting to people across the world, adding friends, and accumulating virtual cash points and accepting virtual Easter Eggs mula sa nakaka-addict na larong hatid ng mga sikat na Facebook. Sa nagdaang isang Linggo habang tayo'y abala sa internet, naka-connect ba tayo kay Kristo kahit ilang minuto lamang? Naka-kuha kaya tayo ng 'spiritual points' sa pag-ala-ala sa kanya sa huling linggo ng kwaresma.

Di pa huli ang lahat, salubungin natin Siya ngayong Linggo ng Pagkabuhay, walang kailangang points na ipunin, walang Easter Egg at Bunnies na dapat hanapin, buksan lamang natin ang ating puso para sa Kanyang muling pagkabuhay. Hinihintay Ka nya kaibigan.

Alalahanin rin natin ang ating mga kababayan na nasa ibang bansa, na dala ng kanilang responsibilidad sa hanapbuhay bilang medical staff at mga domestic helpers, lalo pa sa gitnang Silangan kung saan ang Easter ay hindi malayang naipagdiriwang, isama natin sila sa ating panalangin, upang sa gayon malaya nating masabi sa ating sarili at sa kapwa na - HAPPY EASTER.

14 comments:

  1. Maraming Salamat Pope..Kung di ko binasa ang post mo na 'to di ko malalaman na wala pa pala akong ginawa para sa pagsalubong sa muling pagkabuhay ni Kristo bukas.. Thanks for this reminder..

    Happy Easter to you and to your love ones..

    ReplyDelete
  2. happy easter. pwede magiwan ng joke dito?

    anu ba tunay n kahulugan ng easter?

    eto yung pangalan ng matndang babae sa amin. ahahaha. aling easter. hehe

    i think ang easter ay parang pasko lang. isang beses lang gunitain sa isang taon pero pwede nmn kung tutuusin araw araw. :D

    ReplyDelete
  3. may post ako tungkol sa easter bukas...Sana magvisit ka. Thanks ha

    ReplyDelete
  4. @ Rulf

    Maraming salamat rin sa iyong paniniwala, happy Easter.

    @ kikilabotz

    Natawa ako sa joke mo, naalala ko tuloy iyong kapitbahay namin na si aling Ester hehehe.

    Ang Easter ay nararapat na manatili sa ating puso, bilang pagpapaaala-ala sa atin sa kahalagahan ng pananampalataya.

    @ Glampinoy

    Bukas, makakaasa ka na aking babasahin ang iyon panulat sa Easter.

    ReplyDelete
  5. Medyo naguiguilty ako habang nagbabasa ng mga tungkol sa Lent. Maliban kasi sa dalawang Fridays pagkatapos ng Ash Wednesday ay sakaling bukas ng Linggo kami makakapasyal sa simbahan (sana makaalis sa trabaho nang maaga).

    Happy Easter po =)

    ReplyDelete
  6. Happy Easter The Pope! saSALUBONG din kami bukas! :-)

    ReplyDelete
  7. bakit kaya ang mga tao pag holy week grabe ang pagdarasal at pagninilay pero kapag hind holy week, balik bisyo... Dapat araw-araw natin itong gawing hindi lng every holy week.

    ReplyDelete
  8. Naipamulat din sa akin ng mga magulang ko ung mga pamahiin na nabanggit. Pero di ko na siya ginagawa ngayon. I just see to it na i can have a moment with Him every holy week. Happy Easter to you and to your family!

    ReplyDelete
  9. So very true. And so very enlightening. Thanks, George.

    Dahil sa post mo, naremind ako ng dati kong Viernes Santo (na halos gaya rin ng Viernes Santo ng iyong kabataan). I miss it so much.

    We too had our own share of Station of the Cross, Siete Palabras, and candle-light vigil here in Saudi. Pero parang hindi kapara ng dati.

    Happy Easter, George. To you and your loved ones.

    (PS: Kablogs Journal is now launched).

    ReplyDelete
  10. Di ko na-experience ang na-experience mo gawa ng di naman sagrado katoliko family ko - Catholic lang kami noon hehe!

    Happy Easter to you and your family.

    ReplyDelete
  11. Truly, iba ang ating Holy Week. Talagang maraming tradisyon at mga paniniwala subalit ang pinakamahalaga ay ang taos pusong pagninilay nilay. Thanks Pope.

    Btw, I feel sad about your friend Maricris. I wish that she gets well soon, with the help of God.

    Happy Easter!

    ReplyDelete
  12. HAPPY EASTER Pope!! GODBLESS!!

    Regards,
    DR. RHOD

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails