May kasabihan pa nga na, "Ang edukasyon ay bagay na hindi maaring manakaw sa iyo". At may isang politiko na nagbanggit sa kanyang plataporma na "Kung may isang "college graduate" sa bawa't pamilya ay di maghihirap ang bansang Pilipinas". At may ilang talata rin na nagsasabing "Ang edukasyon ang susi sa kahirapan".
Kung pawang may katotohanan ito, bakit patuloy na nagiging kalunos-lunos ang estado ng edukasyon sa ating bansa. Hindi na kailangan suriin pa ang mga datos upang imulat sa katohanan ang sambayanan kung saan tila ang salitang edukasyon ay para sa mga taong may pera lamang.
Pinagtitibay ng ating saligang batas mula sa Malolos Constitution ang pagbibigay ng kahalagahan sa karapatang pantao ng bawa't mamamayan na bigyan ng pamahalaan ng libreng edukasyon ang bawa't mamamayan.
Sa pampublikong paraalan ako nakapagtapos, 1968, Unang Baitang ko sa paaralan ay halos 25 mag-aaral lamang kami. sa pagtatapos ko sa Mataas na Paaralan, 1978, halos 40 lang kaming mag-aaral. Ngayun di bababa sa 80 estudyante ang magsasama-sama sa bawa't section, ang iba ay umaabot pa ng 100 mag-aaral. Isang malaking hamon sa mga guro ang pagtuturo sa ganito kalaking bilang ng mag-aaral,
Subalit mapalad ang mga paaralan na may hustong bilang ng guro at bayaning tunay ang mga gurong mas pinili na magsilbi sa bayan na sa halip na mangibang bansa sa kabila ng napakababang pasahod na ibinibigay ng pamahalaan. Subalit hanggang kailan magtitis ang mga bayaning gurong tulad nila, paano kung magising sila at tanggapin ang hamon ng pangingibang bayan dahil sa kawalan ng pag-asa mula sa pamahalaan.
Ang UP at PUP na pawang mga state Universities para sa mga tinatawag na Eskolar ng Bayan ay nais pang bawasan ng pamahalaan ang subsidiya, masisisi mo ba ang mga estudyanteng maging radikal laban sa pamahalaan. Sabi nga ni Gat Jose Rizal, "Kabataan ang pag-asa ng Bayan" pero ano ang maasahan sa kabataan na pinagkakaitan natin ng pagkakataong makapag-aral, di ba ninanakawan na natin sila ng kinabukasan?
Masisisi mo ba ang mga magulang na patigilin ang kanilang mga anak sa pag-aaral? Pampublikong paaralan nga subalit kailangan magbayad ng matrikula, magsuot ng uniprome, bumili ng sapatos na balat at goma, libro at ilang kagamitan, baon sa araw-araw, walang katapausang school projects, kontribusyon sa kung anu anong pagkakagastusan sa paaralan.
Di ko maisip ang hapdi sa puso ng mga magulang na makita ang kanilang mga anak na hindi makakapag-aral sa pagbubukas ng paaralan ngayong Hunyo. Walang magulang na nais makita ang kanilang anak na hindi makapag-aral.
Tutuo, ang edukasyon ay susi sa kahirapan, subalit kapag sumapit ang pagkakataon na ikaw ay pamiliin para sa iyong mga anak, ano ang iyong uunahin, palamanan ang tyan na kumakalam o ang kaisipan na nauuhaw sa kaalaman. Subukan nating mag-aral ng walang laman ang tiyan, baka matagpuan natin ang kasagutan sa kanilang katanungan.
Note: The image was snipped from flickr.com, uploaded by kamalayan