Sunday, May 30, 2010

Tiyan Na Kumakalam O Kaisipang Uhaw sa Kaalaman?




Edukasyon, gaano ka ba kahalaga sa buhay ng bawa't Pilipino? Ilang ulit na sinasabi ng bawa't magulang na pilit iginagapang ang pag-aaral ng kanilang mga anak ang mga salitang: "Anak, mag-aral kang mabuti, dahil ang edukasyon ay ang tanging maipamamana namin sa iyo".


May kasabihan pa nga na, "Ang edukasyon ay bagay na hindi maaring manakaw sa iyo". At may isang politiko na nagbanggit sa kanyang plataporma na "Kung may isang "college graduate" sa bawa't pamilya ay di maghihirap ang bansang Pilipinas". At may ilang talata rin na nagsasabing "Ang edukasyon ang susi sa kahirapan".

Kung pawang may katotohanan ito, bakit patuloy na nagiging kalunos-lunos ang estado ng edukasyon sa ating bansa. Hindi na kailangan suriin pa ang mga datos upang imulat sa katohanan ang sambayanan kung saan tila ang salitang edukasyon ay para sa mga taong may pera lamang.

Pinagtitibay ng ating saligang batas mula sa Malolos Constitution ang pagbibigay ng kahalagahan sa karapatang pantao ng bawa't mamamayan na bigyan ng pamahalaan ng libreng edukasyon ang bawa't mamamayan. 

Sa pampublikong paraalan ako nakapagtapos, 1968, Unang Baitang ko sa paaralan ay halos 25 mag-aaral lamang kami. sa pagtatapos ko sa Mataas na Paaralan, 1978, halos 40 lang kaming mag-aaral. Ngayun di bababa sa 80 estudyante ang magsasama-sama sa bawa't section, ang iba ay umaabot pa ng 100 mag-aaral. Isang malaking hamon sa mga guro ang pagtuturo sa ganito kalaking bilang ng mag-aaral,

Subalit mapalad ang mga paaralan na may hustong bilang ng guro at bayaning tunay ang mga gurong mas pinili na magsilbi sa bayan na sa halip na mangibang bansa sa kabila ng napakababang pasahod na ibinibigay ng pamahalaan. Subalit hanggang kailan magtitis ang mga bayaning gurong tulad nila, paano kung magising sila at tanggapin ang hamon ng pangingibang bayan dahil sa kawalan ng pag-asa mula sa pamahalaan.

Ang UP at PUP na pawang mga state Universities para sa mga tinatawag na Eskolar ng Bayan ay nais pang bawasan ng pamahalaan ang subsidiya, masisisi mo ba ang mga estudyanteng maging radikal laban sa pamahalaan. Sabi nga ni Gat Jose Rizal, "Kabataan ang pag-asa ng Bayan" pero ano ang maasahan sa kabataan na pinagkakaitan natin ng pagkakataong makapag-aral, di ba ninanakawan na natin sila ng kinabukasan?

Masisisi mo ba ang mga magulang na patigilin ang kanilang mga anak sa pag-aaral? Pampublikong paaralan nga subalit kailangan magbayad ng matrikula, magsuot ng uniprome, bumili ng sapatos na balat at goma, libro at ilang kagamitan, baon sa araw-araw, walang katapausang school projects, kontribusyon sa kung anu anong pagkakagastusan sa paaralan.

Di ko maisip ang hapdi sa puso ng mga magulang na makita ang kanilang mga anak na hindi makakapag-aral sa pagbubukas ng paaralan ngayong Hunyo. Walang magulang na nais makita ang kanilang anak na hindi makapag-aral.

Tutuo, ang edukasyon ay susi sa kahirapan, subalit kapag sumapit ang pagkakataon na ikaw ay pamiliin para sa iyong mga anak, ano ang iyong uunahin, palamanan ang tyan na kumakalam o ang kaisipan na nauuhaw sa kaalaman. Subukan nating mag-aral ng walang laman ang tiyan, baka matagpuan natin ang kasagutan sa kanilang katanungan.


Note: The image was snipped from flickr.com, uploaded by kamalayan

12 comments:

  1. Ang ganda naman ng salaysaying ito! Talagang mahirap sagutin ang tanong, ngunit may mga paraan para makapag-aral ng libre kung ang mga magulang at mga anak ay masikap na maghanap ng sponsors or financial support. O kaya naman, maging self-supporting lalung-lalo sa kolehiyo. Ginawa ko rin 'to para maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral bilang isang inhinyero. Dapat lang may tiyaga para makatapos ng pag-aaral!

    ReplyDelete
  2. i am an advocate of education Pope, because I believe education unlocks the door of opportunity. I hope we can do something about it. Your PEBA scholarship donation was already sent to the organization and will be used to enroll two young poor children to school. Thank you.

    ReplyDelete
  3. @ Reymos

    Sa gulang na labing anim na taon natagpuan ko ang aking sarili na nag-aaral sa umaga sa pampublikong paaralan at nagtatrabaho sa gabi bilang janitor mula 8:00 - 4:00 ng umaga. nagpatuloy ang aking pagpapa-aral sa sarili hanggang sa kolehiyo.

    Maraming sumubok ng ganitong pamamaraan, maraming nagtagumpay, subalit mas marami rin ang di pinalad na mapagtapos dahil sa iba't ibang sitwasyon at kadahilanan bunsod ng kahirapan.

    ReplyDelete
  4. @ Mr. Thoughtskoto

    We are all brothers' keepers. Wala ng hihigit pa sa kabanalan ng pagbabahagi ng biyayang ating natatamasa sa Panginoon sa mga taong kapuspalad. Pagpalain ka st nawa'y ika'y manatiling huwaran sa mga OFW.

    ReplyDelete
  5. Ang hinahanap nating kataga ay "prayoridad". Palaging mauuna ang ekonomiya sa edukasyon. Sa panahon ngayon, pag ipa-isang tabi ang pagpapakadalubhasa, ang edukasyon ay isa lamang "basic necessity" para ang isang tao ay magkaroon ng kakayahang makisalimuha sa lipunan. Nasa tao, ang kanyang talino at pagtatanto sa kapaligiran, ang susi sa pag-angat sa buhay.

    Hindi lahat ay dapat ina-asa sa pamahalaan.

    ReplyDelete
  6. @ BlogusVox

    Bigla akong napaisip sa tinatawag na prayoridad at nababahala sa pagpapalawig ng reforma sa pagsulong ng ekonomiya bilang pangunahing proyoridad ng pamahalaan sa ating bansa.

    Hindi ko minamasama ang tinatawag na prayoridad, subalit aking idinadalangin na nawa'y sa layuning ito, ay di makalimutan ng pamahalaan ang layuning bigyan kahalagahan at huwag kalimutan ang mga karapatang pantao ng mamamayan kasama ang maayos na edukasyon ng kabataan.

    Aanhin ang maunlad na ekonomiya kung ang makikinabang ay ang politiko, elitista, kapitalista at iilang tao lamang samantalang kumakalam ang sikmura ng masang Pilipino na salat sa kaalaman at maayos na hanapbuhay.

    ReplyDelete
  7. kaalinsunod ng maunlad na ekonomiya ay ang maayos na pagamutang-bayan at edukasyon para sa mga mamamayan. Hindi natin lahat maibigay yan sa isang buhusan dahil tayo ay isang mahirap na bansa lamang.

    Kung ang mamumuno ay mabawasan ang kurapsiyon at ang pagnanakaw sa kabang-bayan, naniniwala akong lahat yan ay matatamasa din natin balang araw.

    ReplyDelete
  8. @ BlogusVox

    Katulad mo, ako'y dumadalangin at hindi nawawalan ng pag-asa na muling makakabangon ang ating bansa sa tulong ng isang mahusay na lider na may tunay na plataporma laban sa kurapsyon at may balanseng programa pang ekonomiya para sa interest ng nakararaming Pilipino.

    ReplyDelete
  9. sa sarili at sa pagkakaruon ng tyaga, ang pag-aaral ay mahalaga.. isa itong karapatan ng lahat...hangat makakaya tutukan ang pagpapahalaga sa larangan ng edukasyon, sa tulong narin ng bawat isa.

    iwanan na natin muna ang umasa sa iba at gobyerno...pagkat tayo yun na dapat humarap sa edukasyon marangal.

    ReplyDelete
  10. @ Everlito (ever) Villacruz

    Tila isang malawak na karagatan ang lumalalang suliranin ng edukasyon sa ating bansa. Sa mga taong naninirahan sa mga lunsod at kabisera ng mga lalawigan, ang salitang edukasyon ay abot kamay sa pamamagitan ng sipag at tyaga.

    Subalit maraming lugar sa ating bansa ang sadyang napabayaan, walang silid aralan na matatagpuan, may mga kabataan na tumatawid pa ng dagat sa pamamagitan ng banka o naglalakad ng di bababa sa 4 na oras upang makarating sa pinakamalapit na paaralan.

    ReplyDelete
  11. natouch ako sa entry na toh, as in narealize ko lang na sobrang thankful lang ako kasi nakakapagaral ako at sa private pa. Grabe na ang sitwasyon sa Pinas ngayon. sana may magawang aksyon ang mga bagong halal na pinuno ng ating bansa. God Bless The POPE

    ReplyDelete
  12. Talamak na ang edukasyon sa atin, kawawa lalo ang mga taong mahihirap dahil lalo silang naghihirap ni hindi na makatuntong ng high school ang iba. Kahit nga nakatapos ng kolehiyo hindi pa rin makahanap ng trabaho dahil sa mataas ang qualification ng mga kumpanya rin, mataas ang discrimination. Marami na talagang problema ang Pilipinas sana lang may pag-asa pa tayo sa larangan ng edukasyon bukod pa sa marami pa tayong problemang pinapasan.

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails