Tuesday, June 2, 2009

MAHAL KO ANG AKING KAPWA KAYA AKO NASA IBANG BANSA



Paunawa, kung kayo ay madaling magalit at may sakit sa puso, o ayaw magkasala at ayaw makapagsalita ng masakit sa kapwa, huwag na po ninyong i-click o pindutin sa pamamagitan ng mouse ang larawan sa itaas dahil ito ay maghahatid sa inyo sa nakalathalang panulat na tumutuligsa sa pagkatao ng mga Migranteng Pilipino / OFW. Sa mga bata, gabay ng matatanda ang kailangan.


"Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang Katuwiran." (Ikatlong Kartilya sa Kodigo ng Aral ng mga Katipunan na likha ni Emilio Jacinto)


Hindi ko hinihingi na kaming OFW ay tawaging "Bagong Bayani", subalit nagpapasalamat ako sa pamahalaan dahil nirerespeto nila kami bilang OFW, ikaw Mike may respeto ka ba sa kapwa Pilipino OFW?

Hindi ko kasalanan at ng mga OFW kung maubos ang mga propesyunal sa Pilipinas, dahil si Pangulong Gloria mismo ay nakikipagkasundo sa mg lider ng Gitnang Silangan, Amerika at Europa na sa Pilipinas sila kumuha mga professional workers para sa kanilang mga kailangang migrant workers, ikaw Mike propesyunal ka rin ba at mas pinili mong manatili sa Pilipinas dahil gusto mo itong ibahagi ang iyong kaalaman sa ating bayan? Kung OO, ikaw ang dapat kong tawaging bayani, dapat ipaalam ito kay Pangulong Gloria.

Hindi ko kasalanan at ng mga OFW kung sa ibang bansa namin matagpuan ang mas malaking sahod upang maitaguyod namin ang aming mga pangarap para sa aming mga pamilya. Huwag mong isisi sa amin kung kami ay nagmukhang pera, tulad ng pagkukulang ng pamahalaan na mabigyan kami ng sapat na oportunidad upang magkaruon ng marangal na trabaho at maayos na sweldo, ikaw Mike may solusyon ka ba sa mataas na antas ng unemployment sa Pilipinas para hindi na kami mangibang bansa?

Hindi ko kasalanan at ng mga OFW kung may ilan na "nagpapa-alipin" sa ibang lahi kapalit ang malaking sweldo, isang human instinct para sa magulang na kahit buhay ay ibubuwis para lang sa kinabukasan ng kanyang mga anak, ikaw Mike, may sarili ka bang pamilya at nauunawaan mo ba ang halaga ng pagsasakripisyo para sa pamilya?

Hindi ko pinangarap at ng mga OFW na tumaas ang dolyares upang makinabang kami sa malaking palitan ng peso, sa halip hinihingi namin na sana manatili ang dolyar sa kanyang kasalukuyang antas at ang mga presyo ng bilihin ang dapat bumaba, hindi kami produkto ng lumang kaisipan dahil may alam naman kami sa prinsipyo ng ekonomiya, ikaw Mike, yan ba ang turo sa iyo sa iskwela?

Sa loob ng 17 taon ko bilang OFW, nasakssihan ko ang mga pagtitis ng bawat OFW na makasalamuha ko para maitaguyod ang kanilang pamilya, tutuo - mukha kaming pera kaya kami naririto, bagay na naging mailap sa amin ng kami ay nagsilbi sa mga Pilipinong kapitalista at mamumuhunan sa Pilipinas.

Anim na taon akong namuno bilang Pangulo ng Unyon bago lumisan sa ating Bayan. Isa ako sa mga nanindigan para sa karapatan ng Mangagawang Pilipino. Dumalo ako sa ILO-Asia and Pacific Conference upang iparating ang tinig ng Mangagawang Pilipino. Nasaksihan ko kung paano alipustahin, lokohin, apihin at argabyaduhin ng mga PILIPINONG KAPITALISTA at MAMUMUHUNAN ang mga pobreng mangagawang Pilipino, Nasaksihan ko ang pagasasamantala ng mga mayayamang negosyante sa mga pobreng manggagawa, ikaw Mike, nakiisa ka ba sa mga pobreng mangagawa? Nanindigan ka ba sa mga mangagawang Pilipino o kampi ka sa mga mapang-aping negosyanteng Pilipino?

Hindi mo nga siguro kailangan mag-abroad at kumita, sa iyong pananalita hindi ka nakaramdam ng pagkagutom, hindi mo alintana ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado, hindi mo inaalala kung saan kukuha ng pang matrikula ang kapatid at anak para sa iskwela, hindi mo problema ang pera para may ipampagamot sa kapamilya at kamag-anak sa Pilipinas. May sapat kang trabaho ay maayos na kita, baka wala kang kapamilya o kamag-anak na umaasa sa iyo, mapalad ka di tulad naming mga naghihikahos sa kahirapan kaya kami tumulak para mangibang bayan.

Lahat tayo ay nabubuhay sa malayang pagpapahayag, subalit dapat ito ay naaayon sa katotohanan at makatarungan, hindi mapanghusga at hindi makakasakit sa damdamin ng nakararaming mambabasa.

Idinadalangin ko sa Maykapal na nawa'y haplusin Niya ang iyong puso upang madama mo ang tunay na halaga ng aming pagtitiis at damdamin ng mga OFW at ng aming pamilyang naiwan sa Pilipinas.

Hindi kami humihingi ng awa, kahilingan lang namin ay pag-unawa, igalang natin ang damdamin ng lahat ng Mangagawang Pilipino, Pinoy Expats at OFW.

Monday, June 1, 2009

SA PAMAMAGITAN NG AKING BOTO, NAWA'Y MAGSIMULA ANG ISANG PAGBABAGO





THREE KINDS OF PEOPLE

There are three kinds of people:

Those who make things happen
Those who watch things happen
Those who have no idea what happened

Hindi ko kailangan magsuot ng inilalakong mga damit na may desenyong "Araw at Bituin" na likha ng namayapang si Francis M. at ang mga kamiseta ni Pidro na gawa ni Danny Javier ng Apo Hiking Society upang sabihin na Ako ay Pilipino.

Hindi ko kailangan magdikit ng "sticker" ng ating bandila o anumang palamuting maka-Pilipino sa sasakyan upang ipaalam sa kanila na Ako ay Pilipino.

Hindi ko rin kailangang magdisplay ng mga iba't ibang banner o logo sa "side bar" ng aking "blog site" upang malaman ng mambabasa na Pilipino Ako.

Hindi ko rin kailangan magpatugtog ng awiting makabayan tulad ng "Bayan Ko", "Magkaisa", "Ako ay Pilipino" at iba pang sikat na nationalistic songs para masabing Pinoy Ako.

Dahil walang kabuluhan ang aking pagiging Pilipino kung ako ay hindi maniniwala na may naghihintay pang pagbabago sa ating Bayang Pilipinas.

Walang kabuluhan ang aking pagiging Pilipino kung ako bilang nakatatanda at padre de pamilya ay magpapakita ng kahinaan samantalang ang aking anak at mga kabataan ay umaasa at nakikipaglaban na magkaruon ng pagbabago sa ating Inang Bayan.

Walang kabuluhan ang aking pagiging Pilipino kung ako mismo ay magwawalang bahala, magkikibit balikat at magbubulagbulagan sa mga kagananapan sa ating kapaligiran.

Nasaksihan ko sa anim na taon na nagdaan, tumaas ang bilihin, marami ang nawalan ng trabaho at marami ang nakaranas ng gutom sa kanilang buhay.

Nakita ko sa anim sa taon na nagdaan na puno ng eskandalo, nagsimula sa "Hello Garci", nabunyang ang ZTE, sumikat si Joc-joc Bolante, ngaun ang "Double Entry" na nalihis kay Katrina Halili.

Sa loob ng anim na taon ang nagdaan, umasa ako sa isang pagbabago, subalit ako ay nabigo, nasaktan, nagalit at nabuwisit.

Subalit hindi ito ang panahon ng aking pagsuko, hindi ito ang panahon ng aking pagtatambo sa gobyerno. Hindi ito isang laro na dapat akong mapikon at umayaw sa aking pagkadismaya sa nakakasalukasok na lipunan.

Samahan ninyo ako, lumabas tayo sa yungib ng kadiliman, umahon tayo sa balon na ating kinasasadlakan. Gumising tayo at bumangon sa katotohanan.

Ito ang panahon ng bagong simula, ito ang wastong panahon ng panindigan, ito ang tamang panahon para sabihing AKO AY PILIPINO - MAKIKIALAM AKO, MAKIKILAHOK AKO AT BOBOTO AKO.

Huwag nating gawing dahilan na pare-pareho lang ang mga kandidato, naniniwala akong ikaw mismo ay may napipiling kandidato kaya lang maaaring hindi pa naghahayag ng kandidatura o maaaring kakandidato at nag-aalangan kang baka siya ay matalo dahil siya ay isang matinong tao.

Huwag rin nating gawing dahilan na dadayain lang tayo, dahil dumarami na ang mga kabataan, mga simbahan, mga NGOs at di mabilang na samahan na nagmamatyag sa anumang pandarayang gagawin sa nalalapit na halalan. Sila ay ilan sa milyong mamayanan na naghahangad rin ng pagbabago.

Huwag nating sayangin ang OVERSEAS ABSENTEE VOTING LAW (OAV), umabot na pinaghandaan sa loob ng 16 na taon bago maisa-batas bilang alay para sa ating mga OFW at Pinoy Expats. Isang karapatan ng Mangagawang Pilipino na nasa labas ng Pilipinas saiba't ibang panig ng mundo upang maipahayag ang kanyang tinig sa nalalapit na halalan.

Kung magkakaisa sa iisang tinig ang lahat ng Pinoy Expats at OFW para sa tunay na pagbabago, sapat na ito para makalikha ng higanteng ingay para mapakinggan ng ating kababayan sa ating Bayang Siinilangan.

Kung magkakaisa ang lahat ng Pinoy Expats/ OFWs, sapat na ang ating bilang upang makalikha ng isang matibay na pundasyon ng pagkakaisa tungo sa tunay na pagbabago.

Nasa hanay nating mga OFW ang tinatawag na "matured voters" dahl sa ating anking talino, estado sa hanapbuhay, at malakawak na pang-unawa sa mga ksalukuyang isyu ng lipunan. Tayo ang tinaguriang "Bagong Bayani ng Bayan" na hindi lamang nasusukat sa ating salaping pinadadala sa Pilipinas kundi sa ating dedikasyon sa trabaho sa kabila ng kalungkutan at di mabilang na pagsubok sa ating buhay bilang mga banyaga sa ibang bansa.

Tulad ng mga panawagan ng ilan sa iginagalang nating bloggers ng KABLOGS at PEBA, si Nebz sa kanyang panulat na "Will OFWs Remain Voiceless in 2010?", at si NJ na may akda ng "Gearing Up for Election 2010: Will Overseas Absentee Voting Make A Difference?", samahan natin sila sa kanilang panawagan na manindigan bilang Pilipino na harapin ang hamon sa ating mga OFWs na magparehistro sa OAV, dahil sa darating na Halalan 2010, sa ating mga boto nakasalalay ang kapalaran ng ating Bayan sa susunod na anim na taon.

Ikaw, ako, tayo ang bagong simula ng pagbabago, huwag tayong mapagod na mangarap para sa ating Bayan, at ang katuparan ng ating pangarap ay magsisimula lamang kung haharapin natin ang hamon sa atin ng ating Bayan - ang manindigan sa nalalapit na halalan.

Huwag tayong maging bulag, pipi at bingi - idilat natin ang ating mata sa sa katotohanan, ipadinig natin ang ating tinig at pakinggan natin ang sigaw ng kabataan... SA PAMAMAGITAN NG AKING BOTO UMAASA AKONG ITO ANG SIMULA NG ISANG PAGBABAGO.







LinkWithin

Related Posts with Thumbnails