Friday, January 8, 2010

Itim Na Nazareno


Ang taunang pagdiriwang ng Kapistahan ng Itim na Nazareno (Feast of Black Nazarene) ay gugunitain bukas ika-9 ng Enero at inaasahang dadagsahin ng milyon milyong deboto mula sa iba't ibang panig ng Pilipinas.

Naging bahagi ng aking buhay ang pagsisimba sa Quiapo tuwing unang Byernes ng bawa't buwan kasama ang aking ina, kung saan minsan ako ay nahulaan na maglalakbay sa ibang bansa na aking inakala na ako'y magiging isang pari at misyonaryo subalit ako'y naging isang OFW (Pananampalataya - Nasa Puso Ng Bawa't OFW).

Sa haba ng panahon ng aking pagsisimba sa Quiapo, samu't saring kahilingan sa Poong Nazareno ang aking hiniling, makapagtapos ng pag-aaral, maging pari at misyonaryo at iba pa. May mga natupad at may hindi naipagkaloob sa kadahilanang Poon lamang ang nakakaalam. Di man ako naging pari ay inihatid naman ng Nazareno ang aking mga paa sa lupain ng Doha di bilang isang misyonaryo kundi isang OFW.

Maraming naniniwala, maraming umaasa sa mapaghimalang Poong Nazareno, sa kabila ng lumalalang suliranin ng ating bansa, gutom at paghihikahos sa buhay, karatungan sa mga sumakabilang buhay na kababayan na biktima ng karahasan, at mga suliraning panlipunan na ang mga kasagutan ay ipinagkait ng pamahalaan, sa panahon ng kadiliman ng ating buhay, Diyos lamang ang tanging mapagkakatiwalaan at maasahan sa ating buhay.

Sa Poong Nazareno kanilang nahantungan ang kanilang sarili, tulad ng pinagdaanang paghihirap ng Panginoon, nakikita nila si Kristo sa kanilang buhay sa bawa't sakit at paghihirap na kanilang nararamdaman.


Bukas muling magaganap ang isang pinakamaking himala ng taon, ang pagkakapantay pantay at pagkakaisa ng bawa't Pilipino, walang mayaman o mahirap, nakapag-aral man o mangmang, matanda o bata, politiko o simpleng taon, sdi alintana ang init ng araw o ulan, sama sama silang magkakatiipon tipon, nakayapak  ang karamihan bilang deboto sa Poong Nazareno ay magkakaisa sa puso't damdamin at aniniwala sa mapaghimalang Poon tungo sa kapayapaan, pagmamahalan at kaunlaran ng buhay ng bawa't Pilipino at ng ating bansang Pilipinas.

2 comments:

  1. napamuni-muni ako pagkatapos itong basahin. sana'y di magsasawa ang mga pinoy manalangin nang may gagabay sa atin upang harapin ang kinabukasang nakalaan para sa atin :)

    ReplyDelete
  2. Sabi nga ng isang character ni Nora Aunor, "Walang himala! Ang himala ay nasa puso nating lahat..." At naniniwala akong ang 'himalang' tinutukoy ay ang pananampalataya at pag-asa ng bawat deboto ng Poong Nazareno...

    Faith, indeed, can really move mountains! U

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails