"KABAYAN... PILIPINO KA BA?"
Ito ay isang katanungan na madalas kong naririnig., tila musika na ito sa aking tenga.
Ilang taon ka na bang OFW? Ilang beses ka na ring nagpabalik-balik ng Pilipinas? At ilang bansa na rin ang iyong pinagsilbihan bilang OFW?
Ilang beses mong nasaksihan na may napadaang Pilipino sa iyong harapan, lumapit, kumaway at nagsabing “Kamusta Kabayan” at kadalasan may pahabol pang katanungan na “Pilipino Ka Ba?”
Ikaw rin mismo, hindi maipagkakaila na minsan ay nagbigkas ka rin ng katanungang ito, habang may hatid na ngiti sa iyong mga labi sa kabila ng pag-aalinlangan.
Natatandaan mo ba ang kauna-unahang araw mo bilang Expat o OFW, kinasabikan mong makakita na kababayan sa lansangan, isang nilalalang na may kayumangging kutis, medyo pangong ilong at katamtamang taas at di ka nahihiyang magsabing “Kamusta ka Kabayan, Pilipino ka ba?
At kahit di mo na antayin ang kanyang tugon, makikita mo sa kanyang ngiti at mga mata ay mararamdaman mo na Pilipino nga siya, isang kasiyahang di maipaliwanag, na gusto mong sabihin - “Salamat Kabayan, hindi na ako nag-iisa".
Minsan sinususugan pa natin ito ng katanugang:
“Saan ka sa atin sa Pinas Kabayan?”
“Ilang taon ka na dito na nagtatrabaho?”
Mga simpleng katanungan na pumupuno sa nararamdamang pangungulila ng damdamin mula nang malayo sa ka sa iyong mga mahal sa buhay.
Kahangahanga, hindi ba? Kahit saang sulok ng mundo, may Pilipino, kahit sa mga bansang kasalukuyang may digmaan, nanduon ang Pinoy. Kahit ano ang kanyang kasuotan, hindi maitatago na sya ay Pilipino. Wala na ngang lugar sa mundo na hindi narating ng Pinoy, "ultimo" ang pinakatugatog ng Mt. Everest ay narating na rin ng Pilipino. Sayang nga lamang wala pang “Job Orders” sa Mt. Everest, isang dahilan kaya't walang nasalubong na Pilipino si Leo Oracion sa kabundukan ng Everest.
Mas komportable kasi tayo kung Pilipino ang kausap natin, mas masaya tayo kung Pilipino ang kasalamuha natin, sa simbahan, sa ospital, sa pagtitipon, ang mga mata natin ay naghahanap ng kababayan na makakausap. Panatag ang loob natin kung may makikita tayong “kabayan”.
Nasaan ka man, sa Saudi, Japan o Hongkong, kung sakaling may magtanong sa iyo kung Pilipino ka, huwag mo silang pagdamutan ng kaunting ngiti, nasasabik silang makausap ka, isipin mong minsan ay nangulila ka rin sa iyong kapwa kababayan.
Paunlakan natin ang kanilang katanungan at bigyan na mainit na pagtanggap at buong pagmamalaki rin nating sabihin
“Oo, Kabayan, Pilipino rin ako”.
Sa panahon ng ating pagpanhik sa tugatog ng tagumpay, may makakasalubong tayo na mga Pilipino na nananabik na tayo'y makausap, mga nalulumbay na damdamin, kumakaway, ngumingiti at nagnanais na makasalamuha tayo, huwag natin silang balewalain at biguin; kahit sa isang saglit, tapunan natin sila ng ngiti; dahil sa pagsapit ng matinding pagsubok sa ating buhay, sa dagok ng kabiguan at pangangailangan , sila rin mismo ang mga Pilipinong magiging kaagapay at sasaklolo sa ating buhay.
Kaunting oras lang naman ang kahilingan nila.
“Kaya Kabayan, kamusta ka, Pilipino ka rin ba?”
Hindi mo na kailangang sagutin ito kaibigan, hinihiling ko lamang na ipadama mo sa iba nating mga kababayan ang ating pagiging Pilipino.