Friday, August 20, 2010

Kung Hindi Ako, Sino?



"Blog?, ano yun?

"Bakit ka nagba-blog?" "

Binabayaran ka ba?" "

"Adbokasiya? Hayaan mo na lang yan sa iba..."

Mga nakakairitang tanong sa akin ng aking ka-chat. Kaiskwela ko sya nung High School at natagpuan ko sya ngaun sa FB. Di ko naman sya masisi, siguro tunay na di niya alam ang salitang "blog" at tila walang paki-alam sa kaganapan sa kanyang kapaligiran at hindi naghahangad ng tunay na pagbabago tungo sa matuwid na buhay.

Napag-isip ko tuloy kung bakit ko ginugugol ang aking panahon sa paglikha ng blog tungo sa adbokasiya, bakit hindi ko na ilathala ang aking talambuhay mula sa pagdilat ng aking mga mata hanggang sa pagpikit. Pero di ba bahagi ng talambuhay ko ang aking mga nakikita, napagmamasdan, ang mga bagay at taong bumubuo ng aking buhay. naniniwala ako na ang aking talambuhay ay hinabi sa makulay na sinulid na aking nakakasalamuha sa araw at gabi, at bahagi nito ay ang aking pamilya, mga kaibigan, kapit bahay, kababayan at ang buong mundo - lahat sila ay naging bahagi ng aking talambuhay.

Bahagi sila ng aking pangarap na isang mapayapang mundo, isang mapayapang bansa at isang mapayapang pamilya. At sa kasalukuyang daigdig na aking ginagalawan bilang isang OFW, naka sentro ang aking kamalayan sa adhikain ng bawa't mangagawang Pilipino tungo sa isang makabuluhang pagbabago ng kanilang pamilya para sa maunlad na bukas - malaya sa sa gutom at kahirapan na naipagkait ng mga nagdaang pamahalaan.

Subalit ang landas ng mga OFW tungo sa hinahangad na pagbabago ay naglalagay sa matinding pagsubok ang pamilyang Pilipino, ang pangungulila ng OFW sa kanyang asawa't anak ganun din ang naiwang pamilya sa Pilipinas, ang dobleng responsibilidad ng naiwang asawa upang itaguyod ang ipinagkatiwalang mga anak sa kanyang pangangalaga.

Lumaki akong walang mga magulang, di sila nangibang bayan bilang OFW, nangibang buhay sila sa Paraiso ni Bathala, iniwan nila ako ng ako'y musmos pa lamang - kaya't alam ko ang nararamdaman ng mga pamilyang iniiwan ng magulang - katulad ko umaasa na sana sa bawa't Pasko, Bagong Taon, Berdey, o graduation kasama nila si tatay o si nanay.

Marami akong nasaksihang pamilyang nasira dahil sa kawalan ng pananampalataya ng mga kababayang OFW at kanilang mga pamilya sa Pilipinas na nilunod ang sarili sa kasiyahan, sa tawag ng laman, sa espiritu ng alak, sugal at bawal na gamot at iba pang mga materyal na bagay na nagbibigay ng pansamantalang aliw. Subalit hindi ito dahilan upang sisihin ang pangingibang bayan ng OFW sa pagkasira ng pamilya, dahil sa kasalukuyan ang pundasyon ng tradisyunal pamilyang Pilipino ay tila nasisira dahil sa pagyakap natin sa modernong kultura dahil sa media na kung saan tila ipinapakita na ang pakikipaghiwalay sng mag-asawa ay isang ordinaryong bagay na dapat tanggapin ng lipunan; at ang casual at pre-marital sex ay isang bahagi ng boyfriend-girlfriend relationship na nais ipahatid ng telebisyon at pelikula sa mga nanunuod na kabataang Pilipino.

Tila ipinikit ng pamahalaan ang kanyang mga mata sa lumalalang suliranin sa moralidad at iniwan ang usaping ito sa Simbahan at ilang moralista. Pilit kong iniisip kung may nakahanda bang programa ang pamahalaan upang pagtibayin ang Pamilyang Pilipino lalo na ang Pamilyang OFW?

Sa kasalukuyan ay wala, baka si P-Noy sa mga susunod na araw, kung nababasa nya ang mga blogs ng mga Nominado ng PEBA 2010 baka maisip nya ang kahalagahan ng pamilyang OFW.

Ikaw kabayan, blogger ka ba? May kapamilya ka sigurong OFW, kamag-anak, kaibigan o kahit kapitbahay.  Baka OFW ka ring tulad ko, ibahagi natin ang kwento mo, sa pamamagitan ng blog tmaging daan tayo sa pagbabago, para mapagtibay ang pamilyang OFW.

Sana hindi lang ako, pati ikaw sana kasama ko - sa tulong ng iyong blog nawa'y maging bahagi tayo ng pagbabago - sa PEBA 2010, makibahagi tayo bilang NOMINADO.


9 comments:

  1. Thanks a lot for the inspiration.

    ReplyDelete
  2. Thank you too for showing the path to PEBA.

    ReplyDelete
  3. I really wanted to join PEBA pero nagkukulang ako sa inspirasyon :[

    ReplyDelete
  4. Tulad ng interest natin sa panonood ng news sa kapamilya at kapuso marami tayong natutulungan at nabibigyan ng inspirations. At dito rin natin nababahagi ang ating salooban bilang isang OFW.

    ReplyDelete
  5. nakarelate ng bongga...
    laging ON TIME ang blog mo kuya sa emosyon ko. tnx for inspiring us.

    keep it up!

    ReplyDelete
  6. Magandang gabi po dyan sa Doha! Namiss ko na rin magcomment dito :-). Salamat Pope sa inyong mga makabuluhang posts, di nyo po ba alam na isa kayo sa mga inspirasyon at ehemplo ng mga baguhang bloggers sa inyong walang sawang pagbigay ng paalala at inspirasyon sa mga 'readers'nyo. Ang inyong pagiging huwaran na asawa at tatay ay namumukod tangi para gawing halimbawa ng isang ofw family. God bless you Pope and your beloved family!

    ReplyDelete
  7. well said kuya...

    thanks for bein an inspiration not only to your family but to the whole blogging community.. :D

    ReplyDelete
  8. two thumbs up sa post na ito. i support peba

    ReplyDelete
  9. Very well said.

    Isang pagsaludo sa mga blogistang OFW, sa mga supporters, sa PEBA at sa KABLOGS.

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails