THREE KINDS OF PEOPLE
There are three kinds of people:
Those who make things happen
Those who watch things happen
Those who have no idea what happened
Hindi ko kailangan magsuot ng inilalakong mga damit na may desenyong "Araw at Bituin" na likha ng namayapang si Francis M. at ang mga kamiseta ni Pidro na gawa ni Danny Javier ng Apo Hiking Society upang sabihin na Ako ay Pilipino.
Hindi ko kailangan magdikit ng "sticker" ng ating bandila o anumang palamuting maka-Pilipino sa sasakyan upang ipaalam sa kanila na Ako ay Pilipino.
Hindi ko rin kailangang magdisplay ng mga iba't ibang banner o logo sa "side bar" ng aking "blog site" upang malaman ng mambabasa na Pilipino Ako.
Hindi ko rin kailangan magpatugtog ng awiting makabayan tulad ng "Bayan Ko", "Magkaisa", "Ako ay Pilipino" at iba pang sikat na nationalistic songs para masabing Pinoy Ako.
Dahil walang kabuluhan ang aking pagiging Pilipino kung ako ay hindi maniniwala na may naghihintay pang pagbabago sa ating Bayang Pilipinas.
Walang kabuluhan ang aking pagiging Pilipino kung ako bilang nakatatanda at padre de pamilya ay magpapakita ng kahinaan samantalang ang aking anak at mga kabataan ay umaasa at nakikipaglaban na magkaruon ng pagbabago sa ating Inang Bayan.
Walang kabuluhan ang aking pagiging Pilipino kung ako mismo ay magwawalang bahala, magkikibit balikat at magbubulagbulagan sa mga kagananapan sa ating kapaligiran.
Nasaksihan ko sa anim na taon na nagdaan, tumaas ang bilihin, marami ang nawalan ng trabaho at marami ang nakaranas ng gutom sa kanilang buhay.
Nakita ko sa anim sa taon na nagdaan na puno ng eskandalo, nagsimula sa "Hello Garci", nabunyang ang ZTE, sumikat si Joc-joc Bolante, ngaun ang "Double Entry" na nalihis kay Katrina Halili.
Sa loob ng anim na taon ang nagdaan, umasa ako sa isang pagbabago, subalit ako ay nabigo, nasaktan, nagalit at nabuwisit.
Subalit hindi ito ang panahon ng aking pagsuko, hindi ito ang panahon ng aking pagtatambo sa gobyerno. Hindi ito isang laro na dapat akong mapikon at umayaw sa aking pagkadismaya sa nakakasalukasok na lipunan.
Samahan ninyo ako, lumabas tayo sa yungib ng kadiliman, umahon tayo sa balon na ating kinasasadlakan. Gumising tayo at bumangon sa katotohanan.
Ito ang panahon ng bagong simula, ito ang wastong panahon ng panindigan, ito ang tamang panahon para sabihing AKO AY PILIPINO - MAKIKIALAM AKO, MAKIKILAHOK AKO AT BOBOTO AKO.
Huwag nating gawing dahilan na pare-pareho lang ang mga kandidato, naniniwala akong ikaw mismo ay may napipiling kandidato kaya lang maaaring hindi pa naghahayag ng kandidatura o maaaring kakandidato at nag-aalangan kang baka siya ay matalo dahil siya ay isang matinong tao.
Huwag rin nating gawing dahilan na dadayain lang tayo, dahil dumarami na ang mga kabataan, mga simbahan, mga NGOs at di mabilang na samahan na nagmamatyag sa anumang pandarayang gagawin sa nalalapit na halalan. Sila ay ilan sa milyong mamayanan na naghahangad rin ng pagbabago.
Huwag nating sayangin ang OVERSEAS ABSENTEE VOTING LAW (OAV), umabot na pinaghandaan sa loob ng 16 na taon bago maisa-batas bilang alay para sa ating mga OFW at Pinoy Expats. Isang karapatan ng Mangagawang Pilipino na nasa labas ng Pilipinas saiba't ibang panig ng mundo upang maipahayag ang kanyang tinig sa nalalapit na halalan.
Kung magkakaisa sa iisang tinig ang lahat ng Pinoy Expats at OFW para sa tunay na pagbabago, sapat na ito para makalikha ng higanteng ingay para mapakinggan ng ating kababayan sa ating Bayang Siinilangan.
Kung magkakaisa ang lahat ng Pinoy Expats/ OFWs, sapat na ang ating bilang upang makalikha ng isang matibay na pundasyon ng pagkakaisa tungo sa tunay na pagbabago.
Nasa hanay nating mga OFW ang tinatawag na "matured voters" dahl sa ating anking talino, estado sa hanapbuhay, at malakawak na pang-unawa sa mga ksalukuyang isyu ng lipunan. Tayo ang tinaguriang "Bagong Bayani ng Bayan" na hindi lamang nasusukat sa ating salaping pinadadala sa Pilipinas kundi sa ating dedikasyon sa trabaho sa kabila ng kalungkutan at di mabilang na pagsubok sa ating buhay bilang mga banyaga sa ibang bansa.
Tulad ng mga panawagan ng ilan sa iginagalang nating bloggers ng KABLOGS at PEBA, si
Nebz sa kanyang panulat na "Will OFWs Remain Voiceless in 2010?", at si
NJ na may akda ng "Gearing Up for Election 2010: Will Overseas Absentee Voting Make A Difference?", samahan natin sila sa kanilang panawagan na manindigan bilang Pilipino na harapin ang hamon sa ating mga OFWs na magparehistro sa OAV, dahil sa darating na Halalan 2010, sa ating mga boto nakasalalay ang kapalaran ng ating Bayan sa susunod na anim na taon.
Ikaw, ako, tayo ang bagong simula ng pagbabago, huwag tayong mapagod na mangarap para sa ating Bayan, at ang katuparan ng ating pangarap ay magsisimula lamang kung haharapin natin ang hamon sa atin ng ating Bayan - ang manindigan sa nalalapit na halalan.
Huwag tayong maging bulag, pipi at bingi - idilat natin ang ating mata sa sa katotohanan, ipadinig natin ang ating tinig at pakinggan natin ang sigaw ng kabataan... SA PAMAMAGITAN NG AKING BOTO UMAASA AKONG ITO ANG SIMULA NG ISANG PAGBABAGO.