Friday, September 11, 2009

Paglaki Ko, Gusto Kong Maging..




Ilang beses mo bang itinanong sa mga bata ang katanungang -

"Paglaki mo, anong gusto mong maging?"...

At tila mula sa maliliit na tinig ay iyong maririnig ang kanilang mga pangarap...

"Gusto ko pong maging nurse, duktor, titser, engineer"...

Pagkatapos ay tila nais mong sundan ng pahabol na katanungan na... "bakit?"

Nakakatuwang pakinggan ang kawalang malay na kasagutan ng mga batang musmos sa mga katanungan para sa kanilang pinapangarap na karera sa buhay.

Karera o "career" sa wikang Ingles, sadyang tugma ang salitang "karera" dahil sa kasalukuyan ang bawa't mag-aaral at nagsisipagtapos na estudyante ay tila nakikipag-unahan sa bawa't isa na malagpasan ng maaga ang hirap ng buhay na kanilang pinagdadaanan.

At sa takbo ng kasalukuyang pamamalakad ng ating pamahalaan ay tila unti unting ipinagkakait at masasabi nating tila ninanakaw ang katurapan ng mga pangarap ng mga kabataan mula sa pagpapabaya ng Gobyernong tadtad ng kaliwa't kanang kontrobersya sa pangungulimbat sa kaban ng bayan ng mga taong politiko't makapangyarihang nasa pwesto.

Ako'y nag-aalala na kung hindi magkakaruon ng pagbabago ang ating ekonomiya, ang pangarap ng isang bata na nais maging titser, may naghihintay pa kayang kinabukasan sa kanya sa ating bansa o matulad kaya sya sa mga OFW na naging Domestic Helper o Sales Lady sa Gitnang Silangan at sa Europa?

May naghihintay kayang kinabukasan sa mga batang musmos sa kasalukuyan na nangangarap na maging duktor o matulad din kaya sila sa mga OFW na naging Nurse sa Estados Unidos.

Nakakabahala, ang mga pangarap ng ating kabataan ay unti-unting ipinagkakait ng kahirapan at lumalalang antas ng "unemployment" sa ating bansa na naging dahilan kung saan patuloy ang paglikas ng kanilang mga magulang, kapamilya at kamag-anak upang sundan ang kanilang mga pangarap na maitaguyod ang kanilang mga pamilya at mapag-aral ang kanilang mga anak at kapatid.

Ang mga magulang na hindi nagkaruon ng pagkakataong makapagtrabaho bilang OFW, at hindi rin pinalad makapaghanapbuhay ng maayos sa ating bansa, karaniwang pangarap sa kanilang mga anak ay mapagtapos ito ng kolehiyo sa mga kursong in-demand sa abroad upang pagka-graduate ay makakita agad ng employer sa ibang bansa bilang OFW. Sila ang mga magulang na nawalan ng pag-asang umasenso ang kanilang buhay kung mananatili silang magtatrabaho sa sariling bansa. Sila ang mga magulang na ayaw nang makita ang kanilang mga anak na masasadlak sa hirap na katulad nila na nananatili at nagtitis sa kakarampot na sahod mula sa pagtatrabaho sa Pilipinas.

Subalit tanungin natin ang nakararaming OFW, gusto ba nila na ang kanilang mga anak ay sumunod sa kanilang yapak bilang mga OFW?

Sa mga ordinaryong OFW na nakaranas ng matinding kalungkutan sa kanilang pangungulila sa ibang bansa, sa mga nakaranas ng panlilibak o pangungutya ng mga banyaga dahil sa ating lahing kayumanggi, sa mga inabuso at pinagsamantalahan, tiyak na hindi nila hahayaan na mag-abroad ang kanilang mga anak.

Subalit ang anumang kalungkutan o kapighatiaan na ating dinanas sa pangingibang bayan ay hindi naman mangangahulugan na kailangan din nila itong sapitin o pagdaanan. maaaring ang tinahak nating daan patungo sa pangingibang bansa ay iba naman ang kanilang tatahaking daan bilang bagong banyaga.

Kung ikaw ay naniniwala na kapuri-puri at marangal na hanapbuhay ang karera bilang OFW at maipagmamalaki ang ating Lahing Pilipino saan mang sulok ng mundo bilang mga dakilang Bagong Bayani ay walang dahilan upang ikaw ay matakot kung pipiliin ng iyong mga anak at magiging anak ang maging OFW tulad ng kanilang mga magulang.

Ang mahalaga, bigyan natin ng maayos na edukasyon ang ating mga anak, gabayan sila sa kanilang paglaki at hubugin ang kanilang kaisipan bilang tunay na Pilipino, mapagmahal sa magulang, sa kapwa at sa Bayan at may hustong pananampalataya at takot sa Dyos. Ito ang ating responsibilidad bilang mga magulang sa ating mga anak.

At kapag sila ay makapagtapos sa kanilang napiling karera, taas nuo nilang harapin ang hamon ng buhay, sa loob man ng bansa o bilang banyaga.

At kung maging OFW man sila, huwag kang matakot o mag-alala, kung hinubog mo ang kanilang katauhan sa wastong pagpapalaki at pananampalataya, sa kanilang dalang talento at edukasyon, at sa kanilang sipag at tyaga, sila'y mananatili pa rin na tunay na Pilipino at sa tamang panahon sila'y magbabalik sa ating Bayang Sinilangan.

Subalit kaibigan, ipanalangin natin na sana sa susunod na mahahalal na lider ng ating bansa, nawa'y matugunan na ang hinaing ng taong bayan sa suliranin ng kahirapan at kawalan ng hustong hanapbuhay upang hindi na kailangan mangibang bayan ng ating mga anak para hanapin lamang ang kasagutan sa kanilang mga pangarap.

Ikaw kaibigan, nung bata ka anong gusto mong maging?
Nangarap ka bang maging OFW?



Photograb from www.flickr.com

19 comments:

  1. Pangarapin mo man o hindi na maging isang OFW, magdedepende pa rin yan sa sitwasyon kung saan ka man naroroon.

    Hindi ko pinangarap na maging isang OFW dahil nakapagtapos ako ng pag aaral ng wala ni isa sa mga magulang ko ang nangibang bayan. nabuhay kami sa simpleng pamamaraan lang...ngunit, eto...nasa ibang bansa ako,bakit?, dahil sa kahirapan ng buhay sa Pinas.

    Kung sa susunod na mga taon lang sana'y maging maganda ang takbo ng ekonomiya ng Pinas, edi sana'y wala nang magiging OFW.

    ReplyDelete
  2. noong bata ako..doktor ang pangarap ko... maging isang piloto o seaman...pero habang tumatanda ako..unti unti kong nakikita ang pasion ko talaga..ang math..haha kaya dito ako napadpad...engineering!

    ReplyDelete
  3. pangarap kong maging doktor. kaso nung nalaman kong kasama pala sa pinagaaralan yung pagdisect ng palaka. ayoko na. gusto ko rin maging beauty queen noon pero hanggang pangarap na lang talaga un. haha!

    kung tatay ko ang masusunod ayaw nya akong maging OFW kasi babae daw ako. si kuya na lang daw kung gusto nya.

    ReplyDelete
  4. Yan din ang asam ko sa buhay. Na sana ako na ang huling OFW sa pamilya ko. Ngunit sa nakikita kung kalagayan ng ating bansa, ang aking pangarap ay parang buwan. Nakikita ngunit hindi ma-abot.

    ReplyDelete
  5. astig ka kuya...pa follow po sa blog mo. natutuwa talaga ako kc marami na kong nakikitang blogs na authored ng pinoy. bago pa lang kc akong blogger. salamat po. Godbless!

    ReplyDelete
  6. bakit ganun... ako gusto ko maging barbie? hahaha

    http://roanne0823.blogspot.com/2009/08/barbie-where-art-thou.html

    nakakalungkot isipin na dapat sa sariling bansa tyo nglilingkod, but come to think of it.. mas nagiging competitive ka in terms of career pagsa-ibang bansa ka nagtrabaho and mas tumataas ang market value pag alam nila na may experience abroad. If you think of it on a positive note, being an OFW is not bad at all although you suffer being away from your family... but it will soon pass... next thing you know you're suddenly building your own comfort zone in the foreign land. Life is just full of risk... if you don't have the guts to try, your dreams will just be a dream.. never a reality.

    ReplyDelete
  7. ni sa panaginip ay hindi.

    pero andito na ako... wala na akong magagawa kundi ituloy ang laban ko.

    kung sakaling gustuhin ng mga kapatid ko na umalis ng bansa, hindi ako tututol. dahil alam kong kaya nilang buhatin ang sarili nilang paa.

    hindi man ako pinalad... alam ko, iba ang nakaguhit na kapalaran nila.

    sa kabila ng lahat, mas gusto ko pa ring nasa Pinas kasama ang pamilyang pinagkukunan ko ng lakas!

    ReplyDelete
  8. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  9. Ilalagay ko lang po yung bahagi ng sanaysay ko noon tungkol sa pangarap kong mag-abroad heto po iyon:

    "SA NGAYON, naunawaan ko na ang lahat, ang pag-aabroad pala ay hindi SIMPLE, sapagkat mahirap din ang kumita ng pera dito. Hindi pala ito parang Lotto sapagkat lahat ay pinaghihirapan at pinagtyatyagaan. Hindi pala ito magpapasikat sa iyo kundi ang naisin mo o kaya adhikain mo sa pamilya mo ang magdadala sa iyo para makuha ang respeto at paghanga ng iba. Hindi lang pla ito daan patungo sa pagtagumpay kundi nasa ating mga kamay pala ang tagumpay,Hindi pala ito para matakasan ang kahirapan ng buhay, kundi ang pagtanggap at patuloy na pasasalamat sa Dyos kung anong buhay meron ka. Nagyun naisip ko na ang Pag-aabroad pala ay isnang napakalaking sakripisyo, ito’y isang dedikasyon at ito’y malaking responsibilidad.Nandito ako ngayun hindi para sa lahat na material na bagay, nandito ako hindi para magkaroon ng isang trabahong maipagmamalaki ko sa lahat, nandito ako hindi para makapunta sa magagandang lugar.




    Nalaman ko na nandito pala ako, kasi may plano sa akin ang panginoon, ang aking makita at lumapit sa kanya sa panahon na kailangan ko ng makaksama, sa panahon na lulungkot ako, at sa panahon ng problema, alam ko ngayun nandyan ang PANGINOON. Nandito rin ako para sa aking PAMILYA AT SA MAGIGING PAMILYA KO.

    Salamat po!

    ReplyDelete
  10. Napakagandang payo para sa mga magulang, kapatid, tiyahin o tiyuhing OFW na nagpapaaral ng anak o di kaya'y pamangkin sa Pilipinas.

    MAHALAL NA LIDER... uhmn, napaisip tuloy ako, sino kaya 'yon. Ito'y napakagandang paalala naman sa mga OFW na nakapagparehistro sa OAV.

    Ako noong bata? ...gusto kong maging mekaniko. At ni minsan, hindi ko pinangarap na mangibang-bansa.

    ReplyDelete
  11. Ako?

    Gusto kong maging Nurse, mula pa noong bata ako, majoring in Anesthesiology, at pangarap ko na maging OFW, lalo na maging nurse sa Michigan kasi nandun ang Ninang ko...nagpapadala siya ng 50USD saken kada Christmas. Ang laki noh? noon. hehe

    Kakaiba di ba? Mula pa noon, pangarap ko ng mangibang bansa, 10 years old pa lang ako noon.
    Bakit? matindi ang kumpetensiya sa atin, matindi din ang hatakan paibaba, at higit sa lahat, matindi din ang pulitika.

    I am being practical and real.

    I guess the PEBA baby will grow in a foreign country, and perhaps, magmamature na rin sa ibang bansa. (Sorry, but that's what I am seeing now) hehehe

    ReplyDelete
  12. hanggang bago ako mag enrol nung college, wala akong ibang pangarap kundi maging isang magaling na arkitekto! pero nung araw na nag enrol ako ng college, kumuha ako ng accountancy at naging cpa. pero hanggang ngayun, nangangarap pa rin akong maging arkitekto at itayo ang pinakamalaking mall sa buong mundi san pa kundi sa pinas!

    hindi ko talaga naimgaine na magiging OFW din ako balang araw, actually naiinis ako dati sa mga OFW, at ang baba ng tingin ko, pero ngayun isa na ako sa knila. iba na ang tingin ko siempre nalaman kong isa palang sakripisyo ang magtrabaho sa ibang bansa para lang makatulong sa pamilya.

    kung magkakaanak ako at nanaisin niyang maging OFW rin, hindi ko siya pipigilan, marangal ang trabahong ito at malalaman mong this is a labor of love, ginagwa ito ng mga tao dahil sa pagmamahal sa pamilya,

    ReplyDelete
  13. Ni sa hinagap, hindi ko pinangarap na maging OFW. Pwersado pa ako nang mag-submit ng CV sa isang agency. At kahit na nga nung paalisin na ako papuntang Saudi, may lihim akong kontrata na sasagutin ng agency ang pamasahe ko kapag hindi ko nagustuhan ang Saudi.

    Pagkalipas ng maraming taon...

    Nagustuhan ko ang Saudi at malaki ang naitulong sa aking pamilya ng aking pagiging OFW.

    George, sa tingin ko (tingin ko lang ha), nasa kamay ng bawat Pilipino ang ikauunlad ng bansa. Kung mapapansin mo, sanay tayong mamasukan. Hindi tayo nasanay na maging entrepreneur o magkaroon ng sariling negosyo. Ang gusto natin, pagkatapos mag-aral, pumasok sa isang opisinang may A/C at may suweldo kada katapusan ng buwan.

    Sa aking palagay kasi (personal na opinyon to ha), aangat lamang ang Pilipinas kung matuto ang bawat Pilipino na maging entrepreneur. Marami tayong yaman, magaling ang ating pag-iisip, maimbento tayo. Kung kaya nating makipagsapalaran sa ibang bansa, bakit hindi nating makayang makipagsapalaran sa negosyo.

    (Ito rin ang matagal ko nang itinatanong sa aking sarili).

    Napahaba yata...

    ReplyDelete
  14. A, nung elementary gusto ko palang maging doktor o abogado. High school, isang tanyag na manunulat. College, yumaman!

    Ngayon? Yumaman pa rin!

    ReplyDelete
  15. KIDS have many dreams, they hope it to be fulfilled and it is up to the parents to support their dreams.

    a good family consist a good society.

    Kung tma ang palakad, tama rin patunguhan ng buhay, life would be so simple.

    ReplyDelete
  16. ang ganda nang pagkasulat moh sa entry nyo po... marami akong gustong maging nung bata akoh... pero yeah pinangarap kong makapunta sa ibang bansa... yeah.. 'unz... sensya na wala akong ganong masabi ngaun... pagod yutakz koh... lolz.. ngaun lang uletz atah akoh nakadalaw ditoh.. ingatz po... Godbless! -di

    ReplyDelete
  17. ang aking pangarap ay isang engineer

    ReplyDelete
  18. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  19. There is a useful site for you that will help you to write a perfect. And valuable essay and so on. Check out, please Evolution Writers

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails