Saturday, September 3, 2011

Kailan Ka Uuwi?



Kailan ka uuwi? Katanungang payak subalit may hatid na kurot sa puso ng bawa't OFW kapag ang mahal sa buhay ang naghahanap ng katugunan.

Ilang beses ko na bang narinig ang tanong na ito? 

Kailan ka uuwi Daddy? Inosenteng tanong ng aking bunso nung unang taon na ako'y mag-abroad. At makalipas ang 20 taon ko sa bansang banyaga, ito pa rin ang katanungang namumutawi sa kanyang mga labi, sa pangungulila sa isang ama na halos isang buwan lang sa bawa’t taon akong nakakasama at lagi kong sinasabi "Huwag kang mag-alala, uuwi si Daddy".

Kailan ka uuwi? Tanong ng aking asawa na pilit ikinukubli ang impit na pagtangis ng aming damdamin na pinaghiwalay ng malawak na karagatan, at sa kanyang mga panaghoy aking ibinubulong "Huwag kang mag-alala uuwi ako".

Kailan ka uuwi, tanong ng aking nagiisang kapatid, mga pamangkin at mga kaibigang nananabik na ako'y makaharap matapos ang matagal na di pagkikita. "Darating ako dyan, basta antayin ninyo ako, darating ako".

Walang katiyakan, pero puno ng pag-asa. 

Kailan nga ba ako uuwi? 20 taon sa abroad, matagumpay na nakapagpatapos ng dalawang anak sa kolehiyo, may maayos na tahanan at kaunting impok, subalit tila  ang kasagutan kung kailan ako uuwi ay napakailap at walang katiyakan. 

Siguro pinalad lang ako na nagkaruon ng maayos na trabaho at magandang mga benepisyo kaya’t sinasamantala ko ang pagkakataon at umaasang muling makapiling ko ang aking pamilya sa bansang banyaga kahit pansamantala.

Subalit, ang ating mga kapatid kong OFW na kasalukuyang naiipit sa kaguluhan sa bansang Libya, Syria, Iraq at Afghanistan, kailan kayo makakauwi. Lubos ko kayong nauunawaan sa inyong pag-aatubili na umuwi sa ating Inang Bayan kung saan mas lalong walang katiyakan  kung may hanapbuhay pa bang naghihintay sa inyong pagbabalikbayan.  Ang akin laging dalangin nawa’y patnubayan kayo ni Bathala at gabayan kayo sa inyong kalusugan’t  kaligtasan.

Sa aking mga kababayan at sampu ng kanyang pamilya na pinagpalang manirahan sa Amerika, Canada, Europa, at mga bansang mauunlad, kailan kayo uuwi upang bisitahin man lang ang bansang ating pinagmulan? Nawa’y habang tinatamasa ang mga biyayang pinagkaloob sa inyo ng Maykapal, at huwag sana ninyong  limutin ang mayamang kultura na  inyong kinamulatan at ipagmalaki ang lahing Pilipino kung saan nagmula ang di mabilang ng Bayani ng ating Lahing Kayumanggi.

Tulad ng aking panulat, anumang haba ng sanaysay ay hahantong din sa wakas, tulad ng isang awiti’y may simula at katapusan. At tulad nating mga OFW at Expats, sa kabila ng mausok, buhol buhol na traffic sa EDSA, sobrang init o maulan na panahon at nakakasukang kalakaran sa politika, uuwi’t uuwi tayo upang muling makasama ang ating mahal na pamilya at madama ang tunay na kulturang Pilipino sa tamang panahon. 

Kung tutuusin, may 7,107 na dahilan upang ikaw ay umuwi kaibigan at nawa’y sa iyong pagbabalikbayan, bitbit ang iyong maleta na puno ng bagong kaalaman karanasan, kwento ng buhay at pagmamalaskit sa kapwa Pilipino, sa iyong pag-uwi nawa’y ikaw ang  simula ng pagbabago.

Ikaw, kailan ka uuwi?

13 comments:

  1. Di ko pa alam, baka abutin din ako ng bilang ng taon na gaya ng sayo, dahil na rin siguro sa pangangailangan at ito ang dapat, dahil kung hindi,mga mahal ko sa buhay ang maghihirap...pero kung ako lang, gusto ko na umuwi :(

    ReplyDelete
  2. noong bago ako umalis sa ating bansa, sinabi ko na sandali lang ako dun... babalik din ako agad... ngunit hanggang ngayon ay pinipili ko pa rin ang makihamok sa lupang banyaga... sa tigang na disyerto kung saan umaasa akong mas magbubunga ang bawat binhing itatanim ko..

    kelan nga ba ako uuwi? madaling sagutin... bukas, sa makalawa...

    kelan ba ako tatahan? hindi ko din alam.

    ReplyDelete
  3. kaya ako Kuya George, umuwi kagad after two years. di ko kya eh. homesick

    ReplyDelete
  4. @ Lord CM,

    Kadalasan kapag tayo ang tanging inaasahan ng ating mga pamilya, bilang OFW tayo ay nahaharap sa isang pagsubok kung saan kailangang mamili sa pagitan ng pangangailangan o kaligtasan, hanapbuhay o kahirapan.

    ReplyDelete
  5. @ an_indecent_mind

    Iyan ang katanungang walang katiyakan na tanging Diyos lang ang nakakaalam, subalit dapat paghandaan sa pamamagitan ng pagiimpok upang kung dumating man ang kagipitan ka kailangang magbalikbayan, may dudukutin sa kaban na ating pinagpaguran.

    ReplyDelete
  6. @ Bino

    Ang homesickness hatid ng masidhing kalungkutan ay isang halimaw walang pasubaling umaatake sa kamalayan ng bawa't OFW na nauuwi sa pagkasira ng katinuan ng ilan at nagiging daan sa pagkakasala sa karamihan. Pinagpala ka't ginabayan ni Bathala upang umabot ng dalawang taon bilang OFW sa kabila ng homesickness.

    ReplyDelete
  7. Sir napakaganda ng iyong sinulat totoong napakahirap sagutin ang tanong lalo na kung ang magtatanong eh yung importanteng tao na naghihintay sayo sa Pilipinas....

    ReplyDelete
  8. Kailan ka uuwi?
    simpleng tanong pero mahirap sagutin. Kung siguro sarili lang natin iisipin natin pwedeng pweden kahit ngayon din uuwi na tayo kaso nga lang ang daming umaasang naiwan sa Pinas, maraming kailanganinh baguhin sa buhay at ang pagiging OFW ay isa sa madaling paraan para umasenso at umaasang kahit papano ay ma iangat ang antas ng buhay pinansyal.

    Di naman lahat OFW ay pinagpala, pero determinasyon at inspirasyon sa pamilya ay ating kasanga para ma ibsan ang kalungkutan sa panginigbang bansa.

    PS. pasensya na po sa aking tagalog panulat dahil ako ay isang hamak na bisayang OFW

    ReplyDelete
  9. @ BuhayOFW

    Isang mapagpalang araw at salamat sa iyong papuri. Wala mang katiyakan at may hatid na kurot ang katanungan, ito naman ay naghahatid ng pag-asa at pagpapaalala na ikaw ay lubos na kinasasabikan na muling makita at makasama.

    ReplyDelete
  10. @ pinoy_oman

    Tama ang iyong tinuran, ang ating sariling determinasyon na abutin ang ating pangarap at ang sariling pamilya na nagbibigay inspirasyon sa bawa't OFW upang mapaglabanan ang kalungkutan sa pangingibang bansa.

    Tulad mo'y isa rin akong hamak na Bisayang OFW, at isang mapagpalang gabi sa iyo at iyong pamilya.

    ReplyDelete
  11. nakauwi na ko Pope noong isang taon hehehe, nice post, nahomesick uli ako nang mabasa ko ito, halos every year umuuwi kami ngayon lang yatang taon na ito na hindi makakauwi, mag-iipon muna para makauwi kami next year, ang hirap kasi ngayon dito sa US recession pa rin ;-'(

    ReplyDelete
  12. Ako kaya? kailan ako uuwi? Nakakalungkot ang katanungan na ito...sana sa tuwing may magtatanong na "Kailan ka uuwi?" pwede kong isagot na diretso.."mabilis lang at uuwi din ako agad." :(

    Salamat sa inspirasyon..."Walang katiyakan, pero puno ng pag-asa."

    ReplyDelete
  13. @ Shanel's Diary

    Maraming salalamt sa pagbisita at pag-iiwan ng marka.

    Sa wastong panahon, iginuhit na ng Tadhana ang iyong napipintong pag-uwi, sa tulong ng iyong pananampalataya ang syang pupuno sa iyong katanungan na kung kailan ka uuwi. Isang mapagpalang araw sa iyo.

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails