Friday, September 17, 2010

Pag Pamilya Ang Pinaguusapan, Mahirap Ba Mag-Blog?

 
Ating nakagisnan ang pamilya ay isang pangunahing balangkas ng isang lipunan. Ang pamilya ay aking unang guro at ang aming tahanan ay nagsilbing paaralan. Ang aking pamilya rin ang unang naging gabay upang makilala at mahalin ang Diyos na Lumikha at sa aking pamilya rin ang nabigyan ng halaga ang tinatawag na pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.

At higit sa lahat, natagpuan ko ang himala ng Panginoon sa pagkakaloob Niya ng pinakamalaking biyaya, ang aking sariling pamilya sa pamamagitan ng aking asawa at supling na anak nagkaruon ng katuparan ang halaga ng buhay at ng aking pagkakalikha.

Subalit kung ganito kahalaga ang salitang pamilya sa bawa't Pilipino, tulad ko at ng halos 12 milyong Pilipino na nasa iba't ibang bahagi ng mundo, bakit ba kailangan pansamantalang iwanan ng isang ama, ina, o anak ang kanyang kaisa-isahang pamiya upang tahakin ang daan tungo pakikipagsalpalaran bilang isang banyaga.

Inaamin ko na hindi kayang tapatan ng salapi o materyal na bagay ang aking pagkakawalay sa aking pamilya sa maaring maging epekto nito sa kanila sa kasalukuyang lipunan na kanilang ginagalawan.

Subalit lubos akong naniniwala na sa tulong ng Maykapal, ng aking mga kamag-anak at kaibigan ay mapagtutulung tulungan namin ang mga hilahil ng buhay na kaugnay sa aking pagkakawalay sa aking pamilya at mapagtitibay namin ito sa pamamagitan ng pananampalataya, pagmamahalan at pagtitiwala sa isa't isa.

May ilang maling pag-aakala na ang pangingibang bayan ng isang OFW ay isang dahilan ng pagkasira ng pamilyang Pilipino. Sinasabi ko na hindi ang pagiging OFW ang sumisira sa pamilyang Pilipino, ang kawalan ng pananampalataya, pagmamahalan at pagtitiwala ang dahilan kung bakit tayo nagkakasala at nagbibigay daan upang masira ang pamilyang ating minsa'y pinahalagahan. Walang pinipiling lahi, edad, kasarian at lugar ang tukso upang sirain ang isang masayang pamilya.

Ang pangingibang bayan bilang OFW ay isa lamang sa napakaraming solusyon upang labanan ang kawalan ng trabaho, kahirapan at gutom sa ating bansa. Bagama't ang landas tungo sa pangingibang bayan ay puno ng hilahil, pagtitiis at sakripisyo alang-alang sa kinabukasan ng iniwang pamilya sa Pilipinas, ito ay isang marangal na hanapbuhay na nagbibigay pag-asa sa pag-abot ng mga pangarap ng pamilya.

Mahaba na pala ang aking natalakay ukol sa usaping pamilya. Kasi sa aking malayang pakikipagusap sa pamamagitan ng chat kay Mr. Thoughtskoto nuong makalawang araw ay nabuksan ang isang katanungan:

"Pag pamilya ang pinaguusapan, mahirap ba magblog?"

Walamg kagatol gatol na aking ibinulalas ang personal kong kasagutan na "hindi"(hindi mahirap lumikha ng panulat ukol sa sariling pamilya), subalit depende iyan kung gaano kahalaga ang pamilya sa isang manunulat.

Kung hahayaan ng isang blogista ang dikta ng kaisipan kung saan ang pagpapahalaga sa pamilya na tila musika na malayang tumutugtog sa kanyang kamalayan ay di alintana ang bawa't titik na idinidikta nito kasabay bawa't kumpas at pilantik ng mga daliri ng manunulat sa bawa't tikatik na tunog ng "keyboard" upang lumikha ng isang makabuluhang panulat ukol sa Pamilya ay naibabahagi nya ang isang kwento ng kanyang buhay sa pamamagitan ng blog at taas noo nya itong mailalahok sa PEBA 2010 bilang tugon sa adbokasiya tungo sa matibay na Pamilyang OFW at Pamilyang Pilipino.

Ako, bilang bahagi ng PEBA 2010 at isang blogista ay umaasa na sa mga makabuluhang panulat ng aking mga kababayan na lalahok sa patimpalak ng PEBA ay makapagbigay daan ito sa bawa't makababasa na kababayang Pilipino na may pamilya o kapamilyang OFW upang magbigay inspirasyon  na mapagtibay pamilyang Pilipino tungo sa matuwid na landas.

Ako rin ay umaasa, na sa pagbabahagi ng kwento ng buhay ng bawa't nominado sa PEBA 2010 ay haplusin nawa nito ang puso ng mga mapagparayang naninilbihan sa Pamahaang P-Noy at sa Konseho ng Kongreso at Senado na ipagsantabi ang personal na interes at sa halip bigyan na halaga ang tinig ng bawa't OFW at mga myembro ng pamilyang OFW para pagtibayin ang ang pamilyang OFW sa isang matibay na tahanang Pilipino tungo sa matibay na bansang Pilipino.

Ikaw kaibigan, pag pamilya ang pinaguusapan, mahirap ba magblog? Sana sumali ka sa PEBA 2010.



9 comments:

  1. sasabihin kong para sa akin mahirap mablog pag tungkol sa pamilya dahil may ibang salik ng aking pamumuhay dito na hindi batid nina nanay at ng aking pamilya, pinili kong hindi ipabatid sa kanila dahil na rin ayoko silang mag-alala pero unti-unti nalalaman na nila marahil ramdam ni nanay ang hirap ko dito.

    kaya nagkalakas loob akong ibahagi na rin sa pamamagitan ng pagsulat tungkol sa aking pamilya.

    saludo ako sa lahat ng mga OFW na patuloy na pinatitibay ng panahon ang pagsasamahan bilang isang pamilya na siyang magbubuklod sa isang matatag na bayan.

    God bless po sir, salamat sa pagdaan po sa aking blog. add ko po kayo sa aking Tambayan.
    --Pong

    ReplyDelete
  2. @ themizpah - Maraming salamat sa pag-iiwan ng marka, nauunawaan ko ang iyong kalagayan na nais mong huwag bigyan sakit ng kalooban ang iyong mahal na ina sa pinagdaraanan mong hirap ng pamumuhay bilang OFW sa Gitnang Silangan. Subalit hindi maitatatwa na tayo ay nagmula sa sinapupunan ng ating mga ina, na sa bawa't hikbi at pigil na pagtangis natin ay kanilang nadarama kahit ilang milyang karagatan ang nasa pagitan ng anak at ng ina - naniniwala ka ba mother's instinct?

    Gayunpaman, maraming salamat sa pagbahagi mo ng kwento ng buhay di lamang sa iyong blog kundi sa buong mundo sa pamamagitan ng pakikilahok sa PEBA 2010. Maraming salamat.

    ReplyDelete
  3. brod hInDi. kaya lang kailangan ng isang matinding sanasay para makuha natin ang kalooban ng bawat mambabasa.

    ReplyDelete
  4. Hindi. Madali lang mag blog para sa akin ang tungkol sa pamilya.

    Kasi lahat naikwento ko,kahit masaya, malungkot, kakainis, kasi I look forward sa solution, or kaya inspiration about my family.
    but of course, hindi lahat kaya ibulgar ang tunay na buhay kung nakasalalay ang kahihiyan ng pamilya.

    I just encourage bloggers to write inspirational posts ABOUT FAMILY, in their blog or in PEBA Contests, to encourage readers,that hey, You ARE NOT ALONE in such situation.

    ReplyDelete
  5. madali lang kapag pamilya ang pag uusapan :)

    ReplyDelete
  6. Hindi po mahirap ang magsulat tungkol sa pamilya, lalo't ito ay hango sa sariling karanasan. Ngunit, naniniwala akong may mga taong mas pinipiling magnilay nang tahimik at sa misteryo ng katahimikan ay doon na lamang sila mangangarap, magpapagaling ng mga sugat, magtatahi ng maraming masasayang alaala kasama ang pamilyang iniwanan, at maghahabi ng lakas para sa patuloy na pakikibaka sa ibang bayan.

    Magandang hapon po at maraming salamat sa matatamis na salitang inyong iniwanan sa aking blog. Ipinaaabot ko po ang aking pagpupugay sa tulad ninyong patuloy na nagsasakripisyo para sa pamilya sa malayo.

    Good luck po sa lahat ng mga kalahok. Halos nabasa ko lahat ng entries galing sa PEBA site at nabisita ko na rin ang mga blog ng kalahok. Noong unang taon ay nagmasid din ako sa patimpalak. Ang masasabi ko lamang, sa taon na ito ay maganda ang laban ;)

    Miss N
    of http://nortehanon.com

    ReplyDelete
  7. good day po pope!

    mas mahirap para sa akina ng magsulat pag pamilya na ang subject. ewan kasi siguro takot akong may masabing hindi tama o hindi totoo. pag ibang subjexts kasi, pwede akong mag imbento. pero pag pamilya na, kelangan yun totoo lang, so mas mahirap para sa akin magblog when it is about my family.

    pope, i am reintroducing my blog pero with a different name, sana ma add mo ko. www.oslekdude.blogspot.com

    na add ko na po kayo. shUkran!

    ReplyDelete
  8. Ikaw kaibigan, pag pamilya ang pinaguusapan, mahirap ba magblog?

    Hindi poh. that's one subject na marami kong pwedeng ikwento. bagamat hindi naman perpekto ang pamilya ko (tulad ng lahat) maraming good memories. hindi ganong mabigat hindi tulad kapag work history ko ang paguusapan. may puot. hehe!

    Pope, i miss being here. Namiss ko magblog hopping. :D

    ReplyDelete
  9. pag pamilya ang pinaguusapan hindi magiging mahirap ang paggawa ng blog kasi maraming masasayang pangyayari ang naganap kapiling ang pamilya ko...pero kanya kanyatayo ng pangyayari sa buhay kung kaya respect the others na lang...

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails