Monday, October 4, 2010

Hangad Ko'y Kapayapaan Sa Usaping RH Bill


Sa isang demokratikong bansa na ating kinabibilangan, mapalad tayong mga Pilipino na malaya nating naipapahayag ang ating mga personal na opinyon sa malawak at makabagong na pamamaraan ng 'media' tulad ng usaping RH Bill.

Nakakalungkot nga lamang isipin na ang ilang talakayan ng mga sibilisadong mamamayang Pilipino sa iba't ibang plataporma ng media lalo pa't sa internet ay nababalot ng poot at galit na nauuwi sa batuhan ng hindi lamang maaanghang na salita kundi paglilibak at pag-aalipusta sa pananampalataya ng nakararaming Katoliko.

Sa pagtatanggol ng RH Bill, huwag sana nating hayaan na galit at poot ang manaig sa bawa't damdamin nating mga Pilipino upang ikondena ang mga nakararaming pari at obispo na nagsisibli sa Simbahang Katoliko. Hindi rin sapat at matuwid upang ang pagkakasala ng ilang kaparian ay ating uriratin sa isyu na RH Bill at kung may ilang makasalanang pari ay nararapat lamang na isaalang alang rin natin ang damdamin ng mga tapat at mga taos pusong paring Pilipino sa iba't ibang bahagi ng ating bansa na nagsisilbi para sa tunay na kabanalan at pagmamahal sa Dyos at sa kapwa. At ang ating mga kababayang paring misyonaryo na nasa iba't ibang bahagi ng mundo tulad ng Gitnang Silangan na kanilang buong tapang na itinatag ang mga simbahan para sa mananampalatayang Pilipino na naging sandigan ng mga manggagawang OFW.

Ang ating bansa ay nasa bagong kabanta ng pagbabago at tayo bilang mamamayang Pilipino ay nararapat lamang na maging bahagi sa pagsusulong ng isang tunay na pagbabago para sa maunlad na kinabukasan na sa mga darating na panahon kung di man tayo ang makinabang ay ang ating mga anak, apo at mga aani ng tagumpay na ating itinataguyod sa kasalukuyan.

Subalit sa ating pagsusulong ng pagbabago, dapat mapagtibay natin ang isang makabuluhang batas na ang bawa't panig ng lipunan ay mabigyan ng sapat na boses upang maipaliwanag ang kani-kanilang opinyon sa pamamagitan ng katotohanan at hindi ng pananakot, ng katwiran at ng hindi pang-aalipusta, paliwanag at hindi pambabastos.

Ilang beses ng sinukat ang katatagan ng lahing Pilipino, mula sa madilim na kasaysayan ng dekada 70, mga lindol, bagyo at iba't ibang sakuna, subalit sa pamamagitan ng ating pananampalataya lahat ng ito ay ating napaglabanan at napagwagian, ngaun pa ba tayo magkakawatak-watak bilang isang lahing Pilipino?

Lahat tayo ay may karapatang pumili - isang karapatan na nakaakibat sa puso at kaluluwa ng bawa't mamamayan mula sa kanyang pagsilang na itinuturing nating kaloob ng Maykapal sa ating katauhan. At ang karapatan rin na pumili ay binibigyan proteksyon at nakapaloob sa ating Saligang Batas. Gamitin natin ang karapatan na ito tungo sa isang tunay at mapayapang pagbabago na puspos ng pag-ibig at pagpapakumbaba.

Nawa'y magsimula sa bawa't isa sa atin ang tunay na kapayapaan tungo sa hinahangad nating pagbabago sa ating sarili, pamilya at ating bansa.

3 comments:

  1. Everytime na paguusapan ang moralidad, population, palagiang nagbabangga ang simbahan at ang gobyerno. ang nakakainis lang, ang daming taong na sa halip na magpatupad ng kapayapaan at maging tulay para sa pagkakasundo, ay pilit na kinokondena ang simbahan o maging ang lipunan.

    magtatagal pa siguro ang isyu na ito. mahabang usapan. ngunit hindi ako nawawalan ng pag-asa.

    ReplyDelete
  2. @ ~B~

    Salamat sa muling pagbisita at pag-iiwan ng makabuluhang marka. Nawa'y ang mga isyung pinaguusapan ay talakayin ng mga magkasalungat na opinyon sa mapayapang talakayan sa pagbuo ng isang matibay na batas sa kapakinabangan ng nakararaming Pilipino tungo sa maunlad na bayan.

    ReplyDelete
  3. thanks for this post. well-said.

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails