Sa loob ng mahigit dalawang dekada kong pangingibang bansa bilang isang OFW, nasaksihan ko ang kawalan ng isang matibay na programa ng pamahalaan mula sa sa Rehimeng Marcos hanggang sa kasalukuyang Administrayon ni Pnoy na ang pangunahing isinusulong ay ang malawakang pagpapalabas ng mangagawang Pilipino bilang OFW sa iba't ibang bansa.
Ang di mabilang na pangingibang bansa ng bawa't Pangulo ng ating bansa ay upang himukin ang mga pinuno ng mga bansang banyaga na bigyan ng prayoridad ang mga mangagawang Pilipino sa iba't ibang kategorya na makapagtrabaho bilang OFW. Isang permanenteng solusyon upang maibsan lumolobong bilang ng mga walang hanapbuhay na Pilipino.
Subali't ang daan palabas ng bansa ay puno ng tinik na nagpapahirap na tila kalbaryong daan sa mga nagnanais maging OFW. Bagama't may mga ahensya ng Pamahalaan na ang tungkulin ay pangalagaan ang kapakanan ng mga mangagawang Pilipino na naghahandang lumabas ng bansa upang harapin ang hamon bilang OFW, ang POEA at OWWA ay mga piping bantay at tila kasabwat pa sa pagpapahirap sa mga OFW.
Bagama't nagkaruon ng maayos na pamamaraan upang mabawasan ang illegal recruiters at human trafficing, ang mga mga tinatawag na legal na recruiter at accredited ng POEA ay nananatiling mapang-abuso sa mataas na placement fee na hantarang hinihingi sa applikante ng trabaho.
Ang Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) na naglalayon na mabigyan ng kaalaman ang mga OFW ay tila di nabigyan ng wastong inpormasyon kung ano ang kanilang karapatan bilang OFW, ang kahalagahan ng kanilang kontrata, ang kultura at batas ng banyagang bansa kanilang patutunguhan, at kung saan hihingi ng tulong sa Embahada ng Pilipinas kung sakaling mangailangan ng anumang uri ng tulong sa mga suliranin na maaari nilang kaharapin. Ang kawalan ng maayos na pagpapatupad ng PDOS ang isang kadahilanan kung bakit maraming OFW ang nagiging biktima ng pang-aabuso ng mga banyagang employer at minsan'y pakikipagsabwatan ng ilang empleyado ng embahada dahil sa kawalan ng kaalaman o kamangmangan sa kanilang karapatan bilang OFW at Pilipino sa ibang bansa.
Ang hindi makatarungang paninigil ng POEA at OWWA sa bawa't OFW na lumalabas ng bansa na walang maayos na pagpapaliwanag sa mga ito, mula OEC, Pag-Ibig, Philhealth at OWWA Membership fees na sapilitang kinukulekta sa bawa't OFW. Ang kakulangan ng information materials na nakasulat sa wikang Tagalog at ibang pangunahing dialects maliban sa wikang Ingles.
Maliban sa OEC at OWWA Membership fees, di ko maunawaan kung bakit ginawang sapilitan ang pagbabayad ng Pag-Ibig at Philhealth sa bawa't OFW. Nakakalungkot isipin na ang nga singilin ng POEA/OWWA ay nga dagdag pabigat sa balikat ng bawa't OFW ang mga gastusin na sa halip na ang salaping ibabayad ay iiwanan sa kanilang mga pamilya bilang pantawid gutom sa kanilang paglisan sa pagharap sa hamon ng pangingibang bayan.
Kung tunay na epektibo ang adhikain ng Pag-Ibig at Phil-Health at malaking bilang ng OFW ang nakikinabang sa mga ito, bakit natatakot gawing voluntary ang paniningil sa halip na madatory. Ito'y isang uri ng pagsupil sa karapatang pantao sa paglalakbay na pumipigil sa bawa't Pilipino bilang OFW ang sapilitang pagbabayad ng Philhealth at Pag-ibig.
Nasaan ang tuwid na daan para sa aming paglalakbay kung pwersahang ipinatutupad ang pangongolekta ng Pag-ibig at Philhealth ng walang konsultasyon sa mga kinatawan ng OFWs at kanilang mga pamilya at mga Recruiters. Ang pagpapatupad ng malawakang paniningil ng Administrasyon sa OFWs ay di nalalayo sa isang pamahalaang Diktatura na nsgsisilbing tinik sa malayang paglalakbay ng mga OFW sa kanilang adhikain na maitawid ang kanilang pamilya sa gutom at kawalan ng hanapbuhay sa sariling bansa.
Sino ba talaga ang nakikinabang sa Pag-Ibig at PhilHealth? Itinatag ba ito upang makinabang ang iiilan bilang pananamantala sa pagsasawalang kibo ng mahigit 12 milyong OFW. Ang pag-taas na mga singilin sa OFW ay may kinalaman ba nalalapit na eleksyon? Nawa'y di magamit ang pondo ng OFW sa pagmamanipula ng politika ng bansa ng mga nakaupong liderato tulad ng naganap sa nakaraang Administrasyon.
Ang mga OFW ay hantarang pinagsasamantalahan ng kanilang mga kauring kababayang Pilipino mula sa araw na kanilang tahakin ang daan palabas ng bansa mula sa kanilang pag-apak sa gusali ng POEA kung saan ang di makatarungang bayarin at kawalan ng "transparency" sa pondo ng "OWWA Fund" at iba't ibang programang binabayaran ng OFW.
Tila di ko na masasaksihan ang tunay na pagbabago at reporma sa batas at kalakaran na sumasaklaw sa karapatan ng OFW at sa halip tila kami'y ginigisa sa sariling mantika. Kami nga bang OFW ang tinuturing na Bagong Bayani o kami ang palabigasan ng pamahalaan na pumupuno sa kanilang mga pangangailangan sa pagpapalawig ng mga institusyong kanilang pinangangasiwaan para sa kanilang personal mga interes at pananatili sa pwesto.
No comments:
Post a Comment