Ang sumusunod na panulat ay natagpuan ko sa aking "Yahoo inbox" na pinadala ng aking Mareng Tess, at nais kong ibahagi sa inyo, kung may mga salitang Tagalog kayong di maunawaan, nangangahulugan na kayo'y mga bata pa lamang, pero maaari ninyong isangguni sa inyong mga magulang para sa dagdag kaalaman. Ipagpaumanhin kung may kahabaan, subalit nakakagiliw naman na basahin.
Ang Matatanda...
Si Nanay ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa paaralan;
Walang mga bakod at gate ang magkakapit-bahay, kung meron, gumamela lang;
10 sentimos o diyes lang ang baon: singko sa umaga, singko sa hapon;Merong free ang mga patpat ng ice drop: buko man o munggo.
Mataas ang paggalang sa mga guro at ang tawag sa kanila ay Maestro at Maestra
Di binibili ang tubig, pwedeng maki-inom sa di mo kakilala.
Malaking bagay na ang pumunta sa ilog para mag-picnic, o kaya sa tumana;
Grabe na ang kaso pag napatawag ka sa principal's office o kaya malaking kahihiyan kapag bagsak ka sa exams;
Simple lang ang pangarap: makatapos, makapag-asawa, mapagtapos ang mga anak...
Pwedeng iwan ang sasakyan at ibilin sa hindi mo kakilala;
wala namang lock ang mga jeep na Willy's noon.
Mayroon kaming mga laruan na gawa namin at hindi binili: trak-trakan (gawa sa rosebowl ang katawan at darigold na maliit ang mga gulong, "sketeng" (scooter) na bearing na maingay ang mga gulong at de-sinkong pako para sa preno; patining na pinitpit na tansan lang na may 2 butas sa gitna para suotan ng sinulid (pwede pang makipag-lagutan) ; sumpak, pilatok, boca-boca, borador, atbp.
Di nakikialam ang mga matanda sa mga laro ng mga bata: kasi laro nga iyon.
Maraming usong laro at maraming kasali: laste, gagamba, turumpo, tatsing ng lata, pera namin ay kaha ng Philip Morris, Malboro, Champion (kahon-kahon yon!)
May dagta ang dulo ng tinting na hawak mo para makahuli tutubi, nandadakma ka ng palakang tetot, pero ingat ka sa palakang saging dahil sa kulugo;
Butas na ang sakong ng Spartan mong tsinelas - suot mo pa rin;
Namumugalgal ang pundiya ng kansolsilyo mo kasi nakasalampak ka sa lupa.
Sa modernong buhay at sa lahat ng kasaganaan sa high technology... ... di ba minsan nangarap ka na rin... mas masaya noong araw!
Sana pwedeng maibalik...
Takot tayo ngayon sa buhay. Kasi maraming napapatay, nakikidnap, maraming addict at masasamang loob...
Noon takot lang tayo sa ating mga magulang at mga lolo at lola. Pero ngayon, alam na natin na mahal pala nila tayo kayat ayaw tayong mapahamak o mapariwara.. . Na una silang nasasaktan pag pinapalo nila tayo...
Balik tayo sa nakaraan kahit saglit...
Bago magkaroon ng internet, computer, at cellphone.
Noong wala pang mga drugs at malls.
Bago pa nauso ang counter strike at mga game boys.
Tayo nuon, duon...
Tinutukoy ko ang harang taga o tumbang preso kapag maliwanag ang buwan;
Ang pagtatakip mo ng mata pero nakasilip sa pagitan ng mga daliri pag nanonood ka ng nakakatakot sa "Mga Aninong Gumagalaw"
Unahan tayong sumagot sa Multiplication Table
na kabisado natin, kasi wala namang calculator.
Pag-akyat natin sa mga puno; pagkakabit ng kulambo, lundagan sa kama ;
Pagtikwas o pagtitimba sa poso; pingga ang pang-igib ng lalake at may dikin naman ang ulo ng babae;
Inaasbaran ng mga suberbiyo;
Nginig na tayo pag lumabas na ang yantok-mindoro o buntot-page.
Nai-sako ka rin ba? O kaya naglagay ka ba ng karton
sa pwet para hindi masakit ang tsinelas o sinturon?
Pamimili ng bato sa bigas; tinda-tindahan na puro dahon naman; bahay-bahayan na puro kahon; naglako ka ba ng ice-candy o pandesal noong araw?
Karera sa takbuhan hanggang maubos ang hininga; pagtawa hanggang sumakit ang tiyan;
Meron pa bang himbabao, kulitis at pongapong? O kaya ang lukaok, susuwi at espada?
Susmaryosep ang nadidinig mo pag nagpapaligo ng bata...
Estigo santo kapag nagmamano.
Mapagod sa kakalaro, minsan mapalo; matakot sa "berdugo" at sa "kapre";
Tuwang-tuwa kami pag tinalo ang tinale ni itay kasi may tinola!
Yung crush mo..
Pag recess: mamimili ka sa garapon ng tinapay -alembong, taeng-kabayo o biscocho?
Pwede ring ang sukli ay kending Vicks (meron pang libreng singsing) o kaya nougat o karamel;
Kung gusto mo naman - pakumbo o kaya kariba,
mas masaya kung inuyat;
Puriko ang mantika, at mauling na ang mukha at ubos
na ang hininga mo sa ihip kasi mahirap magpa-rikit ng apoy.
Madami pa..
Masarap ang kamatis na piniga sa kamay at lumabas sa pagitan ng daliri para sa sawsawan;
ang palutong pag isawsaw sa sukang may siling labuyo;
ang duhat kapag inalog sa asin;
ang isa-sang isubo ang daliri kasi puno na ng kanin...
Halo-halo: yelo, asukal at gatas lang ang sahog;
Sakang ang lakad mo at nakasaya ka kasi bagong tuli ka;
o naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo sa eskwelahan.
Lipstick mo ay papel de hapon;
Labaha ang gamit para sa white-side-wall na gupit;
Naglululon ka ng banig pagkagising; matigas na amirol ang mga punda at kumot;
madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka nagpapahid ng sipon, di ba?
Pwede rin sa laylayan...
May mga program kapag Lunes sa paaralan;
May pakiling kang dala kung Biyernes kasi magi-isis ka ng desk.
Di ba masaya? Naalala mo pa ba?
Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahon na yon...
Masaya noon at masaya pa rin tayo ngayon habang ina-alaala iyon...
Di ba nuon...
Ang mga desisyon ay ginagawa sa awit na "sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?"
Pag ayaw ang resulta di ulitin: "sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?"...
Awit muna: Penpen de Serapen, de kutsilyo, de almasen. How how the carabao batuten...
Presidente ng klase ay ang pinakamagaling, hindi ang pinaka-mayaman;
Masaya na tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti;
Nauubos ang oras natin sa pagku-kwentuhan, may oras tayo sa isat-isa;
Naaasar ka kapag marami kang sunog sa sungka;
kapag buro ka sa pitik-bulag o matagal ka ng taya sa holen.
Yung matatandang kapatid ang pinaka-ayaw natin pero sila ang tinatawag natin pag napapa-trouble tayo.
Di natutulog si Inay, nagbabantay pag may trangkaso tayo;
meron tayong skyflakes at Royal sa tabi at pahihigupin ng mainit na Royco.
Kung naaalaala mo ito... nabuhay ka na sa kapayapan.
Pustahan tayo nakangiti ka pa rin!
Kung naka-relate ka sa lahat ng nabanggit sa itaas, ibig sabihin lang niyan ay MATANDA ka na rin! he he he! Pero kung hindi ka maka-relate, pabasa mo na lang sa akala mo ay kapanahunan nya ito para maalala din niya at mangiti rin siya, malamang sa iyong ama't ina, ito'y kagigiliwan nila.
Oo, Pope. Nakangiti akong binasa sya (kahit pa nga ung ibang bagay ay parang hindi ko na inabutan gaya ng alembong, taeng kabayo, white side wall na gupit, etc).
ReplyDeleteNaalala ko nga ung kinakanta naman kapag pumipili ng isang bahay: Ito o ito...ito! Totoo ba? Oo! Sabi ba ng Diyos? Oo! (Nakatawa ako habang isinusulat ko to!).
Thanks sa post mo. It reminded me of the good things in my youth.
Ang post na ito ang magpapatunay na talagang matanda na nga ako. Magtatlong dekada palang akong nabubuhay sa mundong ito pero 85% sa mga nabanggit dito ay nakaka-relate ako.
ReplyDeleteSalamat. Nabuhay pala ako sa kapayapaan.
(Na-miss ko tuloy maglulon ng banig. o",) Siguro gawa ito ng isang taong ipinanganak at laking-lalawigan.)
"Pustahan tayo nakangiti ka pa rin!"- Ahahahahahhahaha nahulaan mo yun?! jejejejejeje... Di ko man kabisado lahat ng naisulat mo pero may iilan akong alam... Nakakatuwa kasi kahit sa iilan lang iyon, naalala ko rin ang aking kamusmusan...jejejejejeje
ReplyDeleteang galing! ang galing!
ReplyDeletedb ung laste po e rubber band?? hehe
pero un ibang words malalim na talaga hehe..
nakukwentuhan din po ako ni mommy na
diyes sentimos lang nga daw po ang baon ng mga bata nun. kaya hindi makabili ng softdrinks dahil 45 cents naman daw ang halaga nun. hehe
panigurado alam to nila mommy't daddy :)
Ha? Di ako makarelate, anong taon yan? lolzzz
ReplyDeleteguilty ako... lolz!
ReplyDeletenakakamiss talaga...
lahat ng yan.. mga laro sa kalsada at sa bakuran.. wireless. hindi kelangan ng kuryente ang mga laro noong araw. wala kase noong cbox, PS3, PS2... tamang holen, chinese garter, tsinelas, lata, tubig (patintero), at tangkay ng papaya...
mas masaya.. mas malaya.. mas ligtas.
naisip ko nga, hindi na ba talaga mararanasan ng henerasyon ngayon ang ganyan? kawawa naman sila...
mahina sila sa spelling dahil sa text messaging. mahina sa klase kase magaling sa wargames... mahina ang memory kase lahat naman daw kayang sagutin ni Mr. Google.
sana uso na noon ang picture-taking.. para makita nilang masaya ang buhay noon na TAO ang kalaro at hindi GADGETS!
hang bilis talaga na panahon. matanda na pala ako..toinkz!
ReplyDeleteNabasa ko na rin yan sa inbox ko pareng Pope...sarap ng buhay noon ano? sana ganyan pa din kasimple buhay natin sa ngayon..walang cellphone, internet...simpleng buhay..buhay probinsya...
ReplyDeletegrabe nakakarelate talaga ako dito, at talagang tumatanda na pala ako....laking kalye ako kaya alam ko halos lahat ng mga laro sa kalsada lalo na yun laro na kaha ng sigarilyo, ang pinakamataas yun camel 100 pesos yata yun hehehe....at naalala ko yun tsinelas ko butas na sa sakong pero sinusuot ko pa, may perdible sa ilalim kasi pigtas na ang sipit nito....hay nakakatuwang alalahanin ang mga yan, bagama't nabasa ko na yan sa naglipanang email masarap pa ring balikan
ReplyDelete