Tuesday, August 11, 2009

Paano Ba Mahalin Ang OFW?


Ang bawa’t OFW ay mga ordinaryong tao tulad mo at tulad ko, may puso’t damdamin, nakakaramdam na ligaya at kapighatian sa panahon ng kayang pamamalagi bilang banyaga sa ibang bansa.

Ang bawa’t OFW ay tigib ng emosyon, mula sa araw ng kanyang paglisan, binabalot na ng kalungkutan ang magulo nyang kaisipan, ang kalungkutan na mapalayo sa kanyang mahal na pamilya ang kanyang inalala, subalit ang manatili sa bansa at makitang naghihirap ang kanyang asawa’t anak ay mas lalong hindi kakayanin ng pusong mapagmahal sa pamilya. Kaya’t pikit matang sinusuong ng bawa’t OFW ang walang kasiguruhan kapalaran ng pangingibang bayan.

Pag-apak ng kanyang mga paa sa lupang banyaga, lalo na sa Gitnang Silangan, kalungkutan ang bumabalot sa kanyang kaisipan, sa pagkakita sa malawak na buhanginan at kung ikukumpara ito sa luntiang kabukiran na kanyang iniwanan. Sa pagkakita nila sa mga puting banyaga na hindi man lamang ngumingiti, at tila kinukutya ang kulay nilang kayumanggi, nais na nilang bumalik sa ating bansa kung maaari. Subalit kailangan manindigan sa kanilang desisyon, kailangang paglabanan ang kalungkutan at pangungutya, dahil sa pagpapasya na malampasan ang kahirapan para sa kinabukasan ng kanyang buong pamilya.

Subalit ang bawa’t OFW na tinatawag ng ating pamahalaan na mga Bagong Bayani ay hindi mga Super Heroes tulad nila Batman, Superman at Spiderman. Dahil ang mga Super Heroes ay walang kamatayan na nakikipaglaban para sa sandaigidigan at kayang nilang isaalang-alang ang kanilang mga mahal sa buhay. Kabaliktaran ng mga OFW na nakikipaglaban sa kahirapan sa pangingibang bayan alang-alang sa kanilang mga mahal sa buhay.

Sila’y mga taong mapagpakumbaba, na walang inisip kundi kapakan ng pamilya, at sa bawa’t dolyar at tsokolateng ating natitikman, kapalit nito’y pawis at luha sa kanilang pangungulila. Kanilang ikinubli ang kanilang mga pagtatangis, hikbi at pait na nararanasan sa pangingibang bayan at sa kabila nito madalas nating marinig sa kanila na

“huwag kang mag-alala, okay ako dito, ang mahalaga ay masaya kayo”...

Hindi man sila nagsasalita, sapat na ating maramdaman ang kanilang pagmamahal. At ang katanungan ay

“Paano ba mahalin ang isang OFW?”

Sila'y laging nananabik na makabalita tungkol sa atin. Huwag tayong magsawang mangamusta sa kanila sa pamamagitan man lang ng text o email. Baka naaalala lamang natin sila kapag magkakatapusan o kapag may biglaang pangangailangan tayong hihilingin sa kanila. Ang simpleng mensahe na “kamusta ka na?” at “miss kita” ay nakapaghahatid ng kakaibang saya sa kanilang pusong nagdurusa.

Kapag iyong natanggap ang buwanang remittance o ang kapag ang iyong hinihiling ay kanilang naipagkaloob o naisakatuparan, huwag kang makakalimot magpasalamat sa oras na ito'y iyong natanggap. Marami sa atin ang nakakaalala lang pag may kailangan subalit pag ito ay natugunan ng ating mga OFW, di man lang makaalala na magpasalamat sa natanggap. Higit sa lahat gamitin sa wastong paraan at sa naayon na patutunguhan ng bawat sentimo na kanilang ipinadadala.

Kung may mga suliranin kang kinakaharap, subukin mo muna itong lutasin, makakatulong ito para di na sila masyadong mag-alala, huwag mo ng dagdagan ang kanyang alalahanin dahil di mo alam ang hirap na kanyang kinakaharap sa ibang bansa.

Sa panahon ng kanilang kaarawan, sa panahon ng inyong anibersaryo o pagsapit ng Pasko, o anumang okasyon na kanyang pinapahalagahan, huwag mong kalilimutan na sya ay batiin ng personal, may kakaibang ligaya ang hatid ng pagbati kapag narinig nya ang iyong tinig, maari sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono o mula sa webcam at voice chat sa internet. Malaking kaligayan sa OFW ang ikaw ay maunang bumati sa kanyang pag-iisa sa ibang bansa.

Sa kanyang napipintong pagpapabakasyon o pagbabalik-bayan, paghandaan mo ang kanyang nalalpit na paguwi. Sa isang OFW, ito ang pinakamahalagang bahagi ng pagiging banyaga, dahil kanilang pananatili sa ibang bansa pinanabikan nila ang bawa’t araw, buwan o taon na makauwi upang tayo ay makita at makasama kahit na sa maikling panahon lamang, ito ay isang kalayaang kanilang inaasam.

Bago sila umuwi sa Pilipinas, kung ikaw ay asawa na nagtatrabaho sa Pilipinas, kung may pagkakataon, ikaw ay lumiban o magbakayon muna sa iyong pinagtatrabahuan para makasama ang iyong asawang OFW ng mas mahabang oras at panahon. Sa kanyang pag-uwi, buong pagmamahal mo syang salubungin, at iwasan munang pag-usapan ang mga suliranin na makakasagabal sa kanyang masayang pagbabakasyon.

Ipagmalaki ang iyong husay sa paghawak ng salaping ipinadadala sa pamamagitan ng impok sa banko na iyong kinaiingatan. Pagsumikapan na makapag-impok ng maayos para makapagsimula ng magandang negosyo na kikita para ang kapamilyang OFW ay hindi magpapakatanda sa pagtatrabaho bilang mga banyaga hanggang makuba.

Sa mga anak, paghandaan ang paguwi ng iyong mga magulang na OFW, ipagmalaki ang matataas na antas na nakukuha sa eskwela, at kung sakali naman na hindi naging kaaya-aya ang mga resulta, ihingi ng paumanhin at sa halip ipakita na kayo ay nagsisikap sa inyong pag-aaral. Iwasan makapaghatid ng basag-ulo o mga suliranin na maaaring magdulot ng sama ng loob sa magulang na OFW.

Maglaan ng oras o panahon na magkakasama sa pagsimba, makapamasyal o makakain sa labas kasama ang buong pamilya, mga bagay na pinananabikan ng mga OFW sa kanilang pag-uwi.

Sa panahon ng kanilang pamamalagi bilang balikbayan, iwasan ang anumang mga problema na magbibigay ng sama ng loob sa bawa’t isa, maging maunawain at mapagpatawad kung sakaling may mga hindi napagkaunawaan na suliranin ng pamilya.

Maging handa sa ilang pagbabago ng ugali o personalidad ng OFW hatid ito ng matagal na pananatili sa ibang bansa, sa mga kultura, pagkaranas ng pagngungutya at pang-aabuso na maaaring naka-apekto sa kanyang personalidad at pagka-tao.

At huwag nating pagtulakan ang mga OFW na bumalik ng muli sa ibang bansa kapag dumating ang panahon ng kinakapos ng muli sa pananalapi, napakahirap sa damdamin ng OFW ang muling lisanin ang kanyang pamilya sa kanyang pagbabalik bayan.

Ikaw kaibigan, paano mo mamahalin ang isang OFW?

10 comments:

  1. Ang OFW ay isang taong matatag.

    ReplyDelete
  2. Kumusta lang okey na sa akin :(

    Sana marami nakakabasa nito pre..

    ReplyDelete
  3. “huwag kang mag-alala, okay ako dito, ang mahalaga ay masaya kayo”

    Tipikal na linya ng OFW, ngunit dugo at pawis ang kapalit. Naintindihan kaya ito at kayang tumbasan ng minamahal ang ganyan kalaking pagmamahal?

    ReplyDelete
  4. aaawww...nakakalungkot na marami sa mga kababayan nating OFW ang "taken for granted" ng mga kamag-anak nila sa Pinas. Sana man lang ay masuklian ng appreciation ang pagsasakripisyo nila...

    ReplyDelete
  5. nice post bro, para laging may entrey sa PEBA.
    masakit lng sa OFW na minamahal lang pag bagong dating, pag araw ng sweldo at pag napagbibigyan sa mga hinihiling.
    sana mahalin nila ang OFW bilang isang tao, kapmilya at kapuso.

    ReplyDelete
  6. sana mabasa nila...

    pero napangiti ako.. kase si mommy ko mas madalas na sya ang tumatawag saken kesa ako ang tumatawag sa kanya. minsan pa magtetext kung anong ipapadala nya sa babalik dito sa Dubai baka daw may kailangan ako.

    pag nagpadala naman ako ng "share" ko, magtetext yan para magpasalamat.

    Hindi man nya maipon ang iba sa "share" ko, siguradong paguwi ko pipirma na naman ako ng Insurance Policy... dun nya inilalagay ang ilan sa pinapadala ko. (may commission sya dun kase agent sya! hehehehe!)

    Buti na lang alam nyang magmahal ng OFW. :)

    ReplyDelete
  7. ok toh,pang gising satin at sa pamilya ng ofw.

    ReplyDelete
  8. aww..
    kakaiyak to kuya...
    (emo)
    heheheh...

    pero siryusli
    totoo lahat ng sinabi mo kuya...
    mabuti na lang at nauso ang ym
    kahit na hindi ako madalas nakakatawag sa amin,
    nakakausap ko sila sa chat...^^,

    ReplyDelete
  9. Nakakabagbag damdamin.Habang binabasa ko ay nangingilid ngilid ang luha sa aking mata. Kaming mga naiwan sa Pilipinas ng mga OFW ay masaya kung magpapadala ng pera o regalo ang aming mga kamag-anak pero bihirang maisip ang hirap nilang pinagdaraanan lalo na sa Gitnang Silangan.

    ReplyDelete
  10. hay sana mabasa ng mga Pilipinong naiwan natin sa bansa natin itong post mo, nice Pope! Sana lagi silang mag "thank you" yun lang masaya na ako.

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails