Hindi ko mapiligan ang aking kamalayan na isulat ang aking saloobin ukol sa ating mga kababayan na pumanaw sa isang helicopter crash sa Kandahar, Afghanistan na may 10 OFW ang namatay sa nasabing aksidente.
Habang sinusundan ko ang nasabing balita mula sa artikulong naisulat sa blog ng Thoughtskoto, sari-saring komento ang naglabasan, mga mensahe ng pagluluksa, pakikiramay at pagdadalamhati ang ipinarating ng ating kapwa Pilipino.
Subalit ang nakababahala ay ang mensahe ng panlilibak, paninisi at kawalan ng pang-unawa at pagka-awa sa pumanaw nating mga kababayang OFW na naitala sa Philstar. Mga pangungusap na nagdulot ng kakaibang sakit sa aking puso, hindi ko maisip kung bakit may mga kapwa Pilipino na sa halip pawiin ang luha ng pagdadalamhati ng mga naulilang pamilya sa pamamagitan ng pag-aalay ng panalangin ay matatalim ng salita ng pangungutya ang kanilang itinatarak sa mga pusong nagdurusa.
Sa mga taong hindi nakakaramdam ng gutom, may salaping pampagamot sa pamilyang may karamdaman, at may kakayanang papag-aralin ang anak sa maayos na paaralan at may sariling tahanan na di alintana ang init ng araw at buhos ulan, at hindi nakaranas makipagsiksikan sa pampublikong sasakyan at may maayos na trabaho sa Pilipas, hindi nga nila mauunawaan ang tunay na kahulugan ng kahirapan.
Sa kabila ng "Deployment Ban" na ipinatutupad ng Pamahalaan sa Iraq at Afghanistan, hindi pa rin mapigilan ang mga Pilipino na yakapin ang alok na trabaho sa mga bansang tadtad ng digmaan sa kanilang desperasyon at kawalan ng pag-asa na makakuha ng maayos na trabaho sa loob at labas ng bansa.
Matagal ang kanilang tiniis at umasa sa mga matatamis na pangakong binitiwan ng ating pamahalaan na wastong pagkain sa bawa't tahanan at mga bagong trabaho ang bubuksan. Subali't ito'y mga pangakong napako at hanggang kailan maghihintay si Juan habang ang tyan ng kanyang pamilya ay kumakalam. Paano pa ang pag-aaral ni Junior? Hanggang kailan nila hihintayin ang tinatawag na "May Bukas Pa".
Pikit mata at lakas loob nilang hinarap ang hamon ng pangingibang bayan, kahit pa sa Iraq at Afganistan. Oo, dahil sa pera, ang pera na kanilang inaasahan na magtatawid sa gutom na nararanasan ng kanilang pamilya. Pera na maghahatid kay Junior sa unang baytang sa Mababang Paaralan. Pera na maghahatid sa kanyang magulang na may sakit sa ospital, at pera na pambayad sa upa sa bahay para may silungan ang pamilya laban sa araw at ulan. Ito ang perang kanilang pinaghihirapan mula sa marangal na paraan sa kabila ng delikadong pamumuhay bilang banyaga sa ibang bansa.
Hindi sila magnanakaw, lalong hindi sila kriminal, sila'y mga simpleng tao na nais ring mabuhay sa masalimuot na daigdig kung saan sa kanila pinagkait ang yaman ng bansa kung saan elitista at politiko ang nagpapasasa. sa ating sariling bansa sila ay napabayaan ng Pamahalaang kagalang-galang at sa mga bawal na bansa nila natagpuan ang pagkakataon na makipagsapalaran.
Masakit mawalan ng pamilya, masakit mawalan ng kababayan, kahit man lang sa kanilang kamatayan atin silang igalang, at ating idalangin na nawa'y matapos na ang paghihirap ng ating bayan para wala ng Pilipino na kailangang mangibang bayan dahil walang dapat sisihin kundi ang kahirapan na sa atin ay umaalipin.
Hapdi ng kalooban ang aking nararamdaman sa bawa't balitang aking natatanggap sa mga mapait na karanasan ng pang-aabuso, panggagahasa o kamatayan na sinasapit ng aking mga kababayan. Kung bakit sa susunod na aking panulat inyong malalaman.
Isang kaibigan kong Arabo na edukado ang sa akin ay nagtanong:
"Why your President Gloria Arroyo, a woman, a mother and a Christian; allow your Filipinas to work as "kadama" (domestic helpers) in the Middle East where there are risks of physical, mental and sexual abuses?"
Wala akong mahagilap na kasagutan para ipagtanggol ang Pangulo, sa halip sinabi ko na -
"because of poverty".
Gusto ko sanang ipaabot ang katanungan ng kaibigan kong Arabo sa ating mahal na Pangulo kapag hindi na sya abala sa kanyang trabaho na kasalukuyan ay kanyang ninanamnan ang masarap at magarbong hapunan sa isang kilalang restoran sa New York, USA.
tsk... tsk.. because of poverty
Maraming mga reaction sa nangyari sa mga kapwa nating OFW sa mga ganyang lugarin. Minsan ay di na natin alintana ang panganib basta makatulong sa atin kabuhayan ay susunggabin.
ReplyDeleteTUlad ng sabi mo na di sila masamang tao. Marangal sila yun lang dapat unawaiin natin ang kanilang desisyon sa pagsuong sa ganitong panganib.
Pakikiramay po sa lahat ng mga naulila.
Umaasa pa rin ako pre na balang araw ang lahat ng Filipino ay magkakaisa imbes na hilahin pailalim ang kanyang kababayan.
ReplyDeleteYan lang sana pre...sigurado walang magugutom sa Pinas...
wala akong masabi, napapabuntong hininga na lang ako kapag may ganyan..haaay..
ReplyDeletewala akong masabi, napapabuntong hininga na lang ako kapag may ganyan..haaay..
ReplyDeletewala akong masabi, napapabuntong hininga na lang ako kapag may ganyan..haaay..
ReplyDeletehaaaayyyy.... buti pa sila nagpakasasa sa pera na dapat para sa mamamayan.
ReplyDeletebecause of poverty...
ReplyDeletehaaayy, Pope nakakalungkot ang katotohanan. Sana...sana...sana...
wag tayong mawalan ng pag-asa:)
Life is soooo short ika nga pareng Pope!
ReplyDeletenakakalungkot nga itong balitang to. nakakainis pa kasi nung time na lumabas tong balitang to agad ding lumabas ang balita na walang matatanggap ang pamilya ng ilang namatay na OFW dahil illegal nga ang pagpunta nila dun. tila ba walang bahid ng pagdadalamhati ang kasalukuyang gubyerno. hayyysssttt!!!
ReplyDeletebtw, salamat po sa pagbati noong nakaraang araw :)
aw. kakalungkot naman,habambuhay nalang ata tayong mgiging ganito,wag naman sana...
ReplyDeletesinubaybayan ko ito...
ReplyDeleteat naniniwala ako sa kagustuhan nila na magkaron ng mas magandang buhay ang kanilang mag-anak. kaya sila andun...
gusto daw ma-trace ng gobyerno kung paano nakakapasok sa mga bansang un ang mga pinoy sa kabila ng ban... pag nalaman kaya nila, papauwiin kaya nila ang mga Pinoy dun? mantalang pumunta na ang ilan sa kawani ng gobyerno dun nung inayos at inimbestigahan ang pangyayaring ito... pinauwi ba nila ang mga nakita nilang pinoy??? hindi naman diba?
sa publiko, sinasabi nilang matigas ng ulo ng mga ito dahil bawal na nga ay andun pa rin. pero pagtalikod, alam natin na gusto nilang andun ang mga ito dahil kahit maliit na bahagdan lang silang andun, dinadaig pa ng remittance nila ang remittance ng mga nasa iba pang bansa. dahil DOLLAR ang kita ng mga Pinoy na ito!!! DOLLAR! hindi dirhams... hindi riyal... hindi Rupees... hindi lapad.... hindi NT...
US DOLLAR!!!
Isa lang ang pumasok sa isip ko. Ang ugaling talangka ng pinoy!
ReplyDeletekaya di naiiwasan ang maghanap ng unang pangangailangan sa pamilya, at dahil sa gustong magkaron ng kinabukasan, ayun ang option lumipad at mgtrabaho sa ibang bansa...dahil nga sa sinabi mo "kahirapan"
ReplyDeleteNakakalungkot dahil ang mga kababayang ito ay hindi ibibingit ang kanilang buhay kung hindi dahil sa kahirapan na maari namang mabawasan man lang kung gustuhin ng mga taong nasa may katungkulan. Dagdag sa kirot ay insulto pa: isang milyon ang itatapon sa isang marangyang hapunan sa ibang bansa! Pakunsuwelo na lang na pakinggan ang salita sa Dakilang Aklat: Pagdating ng Huling Panghuhusga, ang mga nauuna ay malalagay sa hulihan.
ReplyDeleteminsan naisip ko tuloy, bakit kaya may mga taong ganun? bakit kaya may mga taong walang pakialam? bakit kaya may mga taong gahaman? and higit sa lahat, ang malaking tanong, bakit kaya may mga Pinoy na ganito?
ReplyDeleteIsa sa mga pinakadahilan kung bakit di tayo uunlad, dahil sa ugaling kinagisnan na pag hindi inumpisahan sa mga sumusunod na henerasyon, will always be the weight that our country will carry down sa kanyang tuluyang pagkalugmok.
Seryosong usapin ito. Huh! Magdadasal nalang akong sana'y umunlad na rin ang bansang Pilipinas nang sa gayo'y hindi na kailangang mangibang-bansa ng mga Pinoy para kumita. Mula sa Afghanistan, nakarating tuloy tayo sa USA.
ReplyDeleteNapaisip tuloy ako, ang pangulo lamang ba ang siyang dapat sisihin sa kasalukuyang kalagayan ng bansa? Isang buong blog post ang kasagutan dito. Ayaw ko na munang isipin ang sagot sa aking tanong, magpapahinga at magpagaling nalang muna ako.