Ang tinig ni Bb. Jarma Palahuddin ay isang alingawngaw na pumailanlang mula sa ilang, tungo sa tuwid na daan sa mga nakararaming OFW sa iba't ibang panig ng mundo. Sa mga payak na salitang namutawi sa labi ng isang inosenteng OFW, Si Jarma ang nagsilbing mitsa ng pag-asa sa puso ng bawa't OFW upang makarating sa mga kinauukulan sa pamahalaan sa pamamagitan ng media ang pagtutol sa patuloy na pagtaas ng Philhealth Premium.
Katulad ni Jarma, isa ako sa milyong tinig na tinututulan ang Philhealth na sapilitang "pagpapatupad ng Premium increase" sa hanay naming mga OFW na "hindi rin naman na napapakinabangan" ng maraming OFW.
Ayon sa SONA ng Pangulong Aquino, buong pagmamalaki nyang ibinalita na ang datos ukol sa philhealth at kanyang sinabi "Ngayon po, 85 percent ng lahat ng mamamayan, miyembro na nito [Philhealth]".
Hindi ko masiguro ang katumpakan ng mga datos na ginamit ng Pangulo. 81.43 Milyong Pilipino ang kumakatawan sa 85% ng tinatayang 95.8 Milyong populasyon ng Pilipinas sa taong 2011. Subalit ang malaking katanungan dito ay kung ang 85% o 81,430,000 na Pilipino na kanyang binanggit ay maipagmamalaki na sila ay myembro at bahagi ng Philhealth? HINDI
Ayon sa datos ng Philhealth, sa pagtatapos ng taong 2011, ang kanilang rehistradong myembro ay 27.91 Milyon at may kabuuang 50.45M na dependents, ang kabuuang bilang na ito ay kumakatawan lang sa 82% ng populasyon sa taong 2011 at ito ay taliwas sa 85% na datos na ibinigay ng Pangulo sa SONA. Sa sektor ng mga OFW, ang kasalukyang myembro ay 2.57M at may kaukulang 2.51M na dependent. Sa ratio na 1:1 (Member : Dependent Ratio) sa hanay ng mga OFW na myembro ng Philhealth, ito ay malinaw na nangangahulugang mababa ang bilang ng kapakinabangan sa mga OFW sa benepisyo ng Philhealth.
Ayon sa datos ng NSO , sa taong 2011, sa kabuuang 2.2M mga OFW na lumabas ng bansa, 509,288 OFW ay nasa edad 25 - 29. Sa taong 2010, 467,847 ang bilang ng OFW na nasa edad 25 - 29 na lumabas ng bansa. Sa grupong ito ay hindi maitatangi ang grupo ng mga "singles", mga binata't dalaga na pawang walang mga "dependents" o ang mga magulang ay "below 60 years old".
Sa pamamagitan ng mga datos na ito sa nagdaang 2 taon pa lamang ay may 1 milyong OFW sa iba't ibang bahagi ng mundo ang hindi nakikinabang sa anumang benepisyo ng Philhealth. Sila ang mga kabataang OFW na pumupuno sa pangangailangan ng "international labor force" sa mga naglalakihang malls at supermarkets bilang cashiers, sales staff, accountants and office clerks, sa mga pambansang ospital at klinika bilang nurses, medtech at para medics at sa mga construction sites bilang young engineers, designers and architects at construction workers at ang mga di mabilang na mga kabataang domestic helpers na nasa Gitnang Silangan, Europa, America at Canada, Singapore at Hongkong,
Hindi pa natin binibilang ang tala ng mga OFW sa unang 6 na buwan ng kasalukuyang taon na nagbayad ng P1,200 sa Philhealth. At magpapatuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga kabataang Pilipino sa mga darating pang taon na nasa edad 25 - 29 na pawang mga binata't dalaga dahil sa kanilang mga murang edad ay hindi nila nakita o naramdaman ang silahis ng pagbabago na ipinagmamalaki sa bawat SONA.
At sa mga bansang maunlad tulad ng Gitnang Silangan, America, Europa kasama na ang HongKong at Singapore at ibang bansa sa Asya ay may kanya-kanya ring Medical Health Care na ipinatutupad at libreng ipinagkakaloob sa mga OFW ng kanilang mga employer bilang tugon sa umiiral na Labor Law na sumasaklaw sa mga migranteng mangagawa sa kanilang mga bansa. Kaya't ano ang kapakinabangan ng Philhealth sa kanila? WALA
Di kayang bilangin ang mga kapatid natin na kulang ang kaalaman sa pagbabasa at maraming OFW Na hindi nabigyan ng kaukulang kaalaman ukol sa Philhealth, ilan sila sa mga milyon-milyong OFW na biktima ng kawalan ng maayos na inpormasyon ng Philhealth. Dahil sa kakulangan ng wastong inpormasyon ay katumbas nito ang hantarang pagkakait ng benepisyo sa milyong kinauukulang miyembro at dependents ng Philhealth.
Ilang milyon din ang mga OFW nasa ibang bansa at mapalad na kasama ang kanilang mga pamilya dahil sa magandang benepisyo ng kanilang kumpanya. Tulad ko, ako'y nabiyayan na sa loob ng 20 taong pagtatrabaho sa Middle East ay kasama ko ang aking asawa sa Doha na isa ring OFW at ang aking 2 anak na over 21 years old. At kabilang sa biyaya na timatamasa sampu ng aking pamilya sa Doha ay ang 100% libreng medical/health care program na kaloob ng aking employer at ng pamahalaan. kaya't ano ang pakinabang sa ko sa Philhealth mula ng ito ay sapilitang pinatutupad sa hanay naming mga OFW? WALA.
Ilang milyong OFW ang kasalukuyang naninirahan sa mga liblib at masukal na bahagi ng Pilipinas na sadyang walang ospital o duktor na nangangalaga sa kanilang kalusugan. Ang ilan pa ay nasa gitna ng putukan ng mga sundalo at rebelde. Para saan ba ang Philhealth na kanilang binabayaran, kung ang kaligtasan at kalusugan ng mga pamilyang OFW ay di kayang tugunan ng Pamahalaan. Anong silbi ng Philhealth sa kanila? WALA
Sa mga lugar na may ospital subalit hindi naman accredited ng Philhealth, anong silbi ng Philhealth, at sa isang agaw-buhay na pasyente, walang ng panahon para mamili pa ng ospital na dapat pagdalhan kung accredited ba ito o hindi ng Philhealth ang mahalaga ay makapagsalba ng buhay at sa pagkakataong ito, anong magiging tulong ng Philhealth sa abang myembro at dependent?
Nawa'y maging makatuwiran sana ang paniningil ng Philhealth, hindi lamang sa akin kundi sa milyon-milyong OFW, isaalang-alang nawa nila ang malaking kontribusyon ng mga OFW na naghatid sa maunlad na ekonomiya ng Pilipinas at sanay huwag makalimutan ang bawa't sentimong binabayaran ng bawa't OFW na sinisingil ng mga sangay ng Pamahalaan tulad ng POEA, OWWA, Pag-ibig at Philhealth ay pinaghirapan ito mula sa dugo't pawis ng mga OFW na nakikipagsapalaran sa kalungkutan na malayo sa kanilang mga pamilya na naiwanan sa Pilipinas habang hinaharap ang hamon ng kahirapan na di alintana ang init sa disyerto o ang lamig ng niyebe.
Ito ay isang panawagan sa Pamahalaang Aquino na pakinggan ang sigaw ng nakararaming OFW na magkaruon ng "Moratorium" hingil sa pagtaas ng Philhealth Premium at magkaruon ng dayalogo hingil sa irregularidad nito sa kasalukuyang batas na RA10022 na nagbabawal sa anumang dagdag singilin sa bawa;t sangay ng pamahalaan sa hanay ng OFW at gawing "Optional" ang paniningil bilang kasanayan sa demokrasya sa malayang pagpili kung alin ang makabubuting Health Care Program ng bawa't OFW bilang tugon sa bawa't indibiduwal na pangangailangan. Bagama't hindi maitatangi na may kapakinabangan ang Philhealth sa ibang mamamayan sa iba't ibang sektor ng lipunan, magiging mas kapaki-pakinabang ito sa pananaw ng malayang Pilipino kung ito ay ipatutupad ng bukal sa kalooban na may masayang pagtanggap at walang pilitan sa bawa't mamamayang Pilipino.
(Paunawa: Walang pang opisyal na datos na ibinibahagi ang NSO at Popcom, subalit tinatayang ang populasyon ng Pilipinas sa taong 2011 ayon sa Popcom ay 95.8 Milyon ayon sa PopCom.)
Thanks for sharing! very interesting! Sakit.info
ReplyDeleteAroniaberry.ca
ReplyDelete