Tuesday, February 24, 2009

BALIK TANAW SA EDSA REVOLUTION - 02/25/86


Peb. 25, wala pa rin kaming pasok sa opis, gusto ko sanang magbalik EDSA pero wala akong kasama, kaya't minabuti ko na lang na sundan ang mga kaganapan sa panunuod ng TV. Natunghayan ko ang nakalilitong balita, mula sa Club Filipino, si Cory Aquino ay iniluklok bilang bagong Presidente ng Pilipinas, at si Doy Laurel bilang kanyang Bise-Presidente.

Samantala, si Apo Marcos naman ay iniluklok bilang muling halal na pangulo mula sa balkonahe ng Malakanyang. Gusto kong mainis, dalawang presidente sa iisang araw. Minabuti kong matulog na muna subalit nag-aalala ako na baka maging tatlo ang presidente ng Pinas sa aking paggising.

Makatapos ang pananghalian, nagpasya akong pumunta sa Sta. Clara de Montefalco kung saan ko natagpuan ang mga kasama ko sa Children of Mary. Kasama sina Bros. Benny, Albert, Joseph, Sis. Rowena, Liza, Carol, Jane at iba pang mga CoMers na di ko na rin matandaan ang kanilang pangalan ay nagkasundo kaming magtungo sa EDSA.

Narating namin ang Ortigas ng 4:30 pm at nasaksihan ang mas makapal ng tao. Sa unang tingin ay di mo aakalain na may nagaganap na military coup sa lugar at sa halip ay tila isang fiesta ang kapaligiran. May mga pamilyang tila nagpipiknik bitbit ang kanilang mga anak at may dalang mga radyo at mga pagkain. May ilang dala pa ang kanilang alagang aso. Karamihan ay nakasuot ng kulay dilaw ng head band at T-Shirt na may may larawan ni Ninoy.

Natunton namin ang gusali ng PCI Bank na nagsisilbing assembly point ng Pastoral Council ng aming parokya na aming kinabibilangan. Dito kami tumigil ng paglalakad at nakipagpalitan ng mga istorya tungkol sa kanilang karansan at pananaw sa nagaganap na rebolusyon. Nakitugon din kami sa kanilang pagrosaryo na hindi alintana ang makapal na taong dumadaan sa aming harapan.

Di ko mabilang kung ilang minuto kaming nagdadasal, at ilang saglit pa ay narinig namin ang mga hiyawan ng mga tao, at may ilang putok ng kwitis na nagliwanag sa langit. Nagtatalunan at tila nagsasayawan ang mga tao, nag-iiyakan at nagyayakapan at nagsisigawan na "UMALIS NA SI MARCOS SA MALAKANYANG", "MALAYA NA TAYO", hindi ko na rin napuna na gumigild na luha ko sa pisngi, di ko maipaliwanag, pero alam kong masaya rin ako. Masaya ako dahil dininig ng Dyos ang dasal ng mga mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng mapayapang rebolusyon.

Nanatili pa kami sa haggang 9:00 pm upang damahin ang tinatawag na tagumpay bago tuluyang lisanin ang EDSA kung saan may makapal pa ring tao ang tila nagsasayawan sa galak.

Peb 23, 2009, Ika-23 taong anibersaryo ng EDSA, kahapon lamang ay ipinagdiwang ang nasabing okasyon sa isang payak napagtitipon. Maliban kay Sen. Enrile, walang inilabas na pahayag ang dalawang dating pangulo na sina Ramos at Aquino na pangunahing bituin ng EDSA. sa paglipas ng panahon.

Tila nakakalimutan na ang diwa ng EDSA at mananatili na lang itong isang alaala ng mga nabubuhay na taong nakibahagi dito. At sa mga taong hindi nakasaksi ay makikita na lamang ito sa mga pahina ng history books.

Patuloy pa rin ang maruming daigdig ng politika, ang malawakang pangungurakot sa kaban ng bayan at mga kasakiman at pag-abuso sa kapangyarihan ng mga nakaupo sa pamahalaan at magpapatuloy pa rin ang pagkalugmok ni Juan dela Cruz sa putik ng kahirapan.

Walang himala.

Note: Image courtesy of http://www.stuartxchange.com/Edsa.html

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails