Dito nahihimlay ang aking mga magulang
kasama ang aking bayaw, darating ang
panahon ito rin ang aking huling
"stop over"
Ilang araw na lang ay Araw na ng Undas, isang tradisyong Pinoy na maipagmamalaki natin sa buong mundo kung saan tuwing ika-1 ng Nobyembre ng bawa’t taon ay binibigyan nating halaga ang mga namayapa nating mahal sa buhay.
Sa huling linggo ng Oktubre, magiging abala ang ating mga kababayan sa Pilipinas sa pagpapalinis ng mga nitso, pag-aalis ng mga basura at damong ligaw na sumibol sa paligid nito, at pagpapapintura ng mga nitso, pamimili ng mga bulaklak, at mga kandila ang ilan sa mga pangunahing listahan bilang paghahanda sa Todos Los Santos.
Ang aking mga namayapang magulang at bayaw ay magkakasamang nahihimlay sa pampublikong sementeryo ng Lunsod ng Pasay at nung nakaraang linggo sa tulong ng aking Ate ay ipnaayos namin ng maaga ang kanilang puntod bilang paghahanda sa Todos Los Santos.
Inaalala ko tuloy ang mga lugar na lubog sa tubig baha matapos ang mapanalantang bagyo. Kahit ang mga patay ay hindi rin nakaligtas sa bagyong Ondoy at Pepeng. Ilang sementeryo kaya ang lubog sa tubig magpasahanggang ngaun? Paano kaya sila madadalaw ng kanilang mga mahal sa buhay?
Sa hindi naapektuhan ng pagbaha, magiging masaya na naman ang bawa’t sementeryo, magliliwanag sa iba’t ibang hugis ng kandila lalo pa sa pagsapit ng gabi. Isang buong araw na magsisilbing “reunion” kung saan ang bawa’t pamilya ay magkakatipon tipon sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay at sama-samang mag-aalay ng panalangin.
At sadyang may mga ilan din na bumibisita sa sementeryo bitbit ng kanilang mga casette player o kaya ay gitara, sana naman ay walang magdala ng karaoke at baka ito ay magmistulang Videoke Bar ang sementeryo. Igalang naman natin ang mga taong nag-aalay ng panalangin.
Ang ilan ay may dalang baraha bilang pampalipas oras sa buong araw na pananatili sa sementeryo, magsisimula sa solitaryo at mauuwi sa Tong-Its at Pusoy Dos ang paglilibang ng mag-anak. Iwasan naman ninyo ang pagdadala ng Majong, huwag naman maging garapal sa pagsusugal at wala tayo sa Casino.
May mga kalalakihan din na may dalang lapad o bote ng alak at serbesa bilang pamatid uhaw sa gitna ng sementeryo, konting paggalang lang po, may tamang lugar po ang inuman tulad ng inyong bahay o kaya ay sa Beer Haus na lang kayo mag-inuman.
Masasayang kwentuhan, paggunita sa mga ala-ala ng mga namayapa ang dapat pagtuunan ng pansin ng bawa’t pamilya, huwag pag-usapan ang buhay ng ibang tao na nabubuhay, ang sementeryo po ay hindi lugar para pag-tsismisan ang buhay ng ibang tao na hindi pa sumasakabilang buhay.
Sa gitna ng pagdiriwang na ito bilang paggalang sa mga namayapa, isang pagkakataon din ito na sinasamantala ng ilang mga kababayang mandurukot o snatcher kung saan sa makapal na tao sa loob ng sementeryo sila ay naglilibot at naghahanap ng biktimang madudukutan, baka katabi mo sila sa pakikipagsiksikan, kaya’t mag-ingat ka kaibigan, mas nakakatakot sila kaysa sa mga kaluluwa na ating ginugunita. Kaya’t ingatan ang mga bitbit na gamit at iwasang magdala ng maraming pera o mamahaling alahas, nasa loob po kayo ng sementeryo at wala po kayo sa SM o Trinoma.
At bilang panghuli, huwag kayong magugulat kung ang ilang mga politiko ay inyong makikita sa inyong sementeryo na tila nangangampanya, sila ang mga taong walang takot sa multo. Bilang paala-ala, karamihan sa mga nahihimlay sa mga sementeryo ay nakalista pa rin sa Voters’ List ng Comelec at huwag kayong magtataka na ang mga namayapang ninyong mahal sa buhay ay may maaaring makaboto bilang
"ghosts voters" sa nalalapit na halalan sa 2010 dahil sa umiiral na madaling dayaing sistema at makinarya ng ating eleksyon sa kasalukuyang lipunan.
Dati ay mga magnanakaw lamang sa sementeryo ang sa kanila’y nagsasamantala, ngaun ay apektado na rin sila ng pandaigdigang suliranin sa climate change at epekto nito tulad ng land erosion at flash floods, at sa pagsapit ng 2010, ilan sa kanila’y magiging kasangkapan sa election fraud.
Mahirap nga talagang mamatay... tila walang katahimikan kahit na nasa kabilang buhay.