Anim na buwan ang nakaraan, dito mismo sa aking kinauupuan, sa labis na kalungkutan Palipasan ay isinilang. Isa lang naman ang aking adhikain, ang maibahagi ang aking saloobin. Kaya't ako po'y napapasalamat sa inyo, na nakiraan, dumalaw, bumisita, tumambling, umistambay, nagbasa, nagkomento at nag-iwan ng marka at bumoto sa aking panulat Silang Mga Naglakas Loob bilang nominado sa PEBA 2009.
Kayo na nga, wala na akong hahanapin pa, dahil kayo ang nagibgay ng saya, ng tamis at lambing sa blog ko, maraming pong salamat sa inyong lahat at narating ng Palipasan ang anim na buwang pananatili sa blogshpere at ito ngaun ang pang "100th Post ng Palipasan".
Maraming pong salamat sa inyo, sa Palipasan kayo po ni Bro ang laging bida. Tulad ng mga naunang panulat, sa aking pang 100 post - ito'y inihahandog ko sa bawa't Pilipino, sana po maibigan ninyo.
HINANAP KITA SA IBANG BANSA, SUBALIT HINDI KITA NAKITA
Nuo’y aking inakala na mapalad ang mga OFW at mga Migranteng Pilipino na nasa ibang bansa, silang mga naglakbay sa Timog, Hilaga, Silangan at Kanluran at ako’y napadpad sa Gitnang Silangan na minsa’y hinanap ang kagandahan ng tanawin ng ibang bansa at pilit na ikinumpara sa yaman ng ating Inang Bayan.
Sa unang pag-apak sa ibang bansa bilang mga banyaga, mga OFW ay namangha sa iba’t ibang tanawin sa kanilang mata’y bumulaga. Sinong mag-aakala na kanilang makikita ang matayog na Eiffel Tower ng Paris, ang mahabang tulay ng Golden Gate sa Amerika, ang arkitektura ng simbahan ng St. Peter Basilica sa Roma, ang makasaysayang Pyramid ng Ehipto at ang sikat na Merlion ng Singapore, mga ilan sa seven wonders na sa magasin lamang madalas nakikita.
Hindi maipaliwanag ang nag-uumapaw na kasiyahan sa unang pagkakita sa mga mapuputing niebe o “snow” na tila isang himala na ipinagkaloob lamang ni Bathala sa mga piling lupain ng Europa, Amerika, Canada at mangilan-ngilang bansa sa Asya.
Ang marangyang buhay hatid ng makabagong teknolohiya ay kanilang nalasap, computer at laptop, home theater at flat screen, i-Phone at i-Pod at magagarang sasakyan tulad ng kotseng pangarera at dambuhalang 4WD ay ilan lamang sa kanilang kinahumalingan.
Subalit makalipas ang ilang buwan, kanilang napagtanto na ang mga ito ay pansamantalang kaligayahan lamang, dahil iba ang ating nakasanayan, iba ang ating kinalakihan, iba ang kulturang Pilipino na ating kinagisnan.
Kanilang naramdaman ang unang pangungulila bilang mga banyaga sa panahon ng pagkakasakit o karamdaman dahil kanilang hinahanap-hanap ang haplos ng pagmamahal, ang kakaibang pag-aaruga ng kapwa kababayang Pilipino.
Lalong umigting ang kalungkutan sa pagsapit ng kapaskuhan, dahil sa ibang bansa ang pagdiriwang ng Pasko ay tila isang ordinaryong kasiyahan lamang. Dahil habang tumatagal ang pananatili bilang banyaga ay lalong sumisidhing pananabik na makauwi sa sarilng bansa.
Pagka’t walang makapapantay sa ganda ng ating bansa, ang mapuputing buhangin ng Boracay, ang Amanpolo, ang Dakak at Puerto Galera. Ang malamig na tanawin sa bayan ng Baguio at Tagaytay. Ang kakaibang lugar ng Chocolate Hills ng Bohol at Hundred Islands ng Pangasinan.
Ang makulay na kultura sa taunang kapistahan na matatagpuan lamang sa ating bansa, ang Black Nazarene Festival ng Quiapo, ang Sinulog Festival ng Cebu, ang Ati-Atihan Festival sa Aklan, ang parada ng Lechon sa Laguna ay ilan lang sa kinagigiliwan at dinarayo hindi lang ng mga Pilipino, maging mga turista sa ibang bansa.
Sino ang makalilimot sa masayang kapaskuhan sa Pilipinas, ang mga makukulay na parol at Christmas Tree, ang pangangaroling, ang Simbang Gabi, bibingka’t puto bumbong, ang pamimigay ng aguinaldo, ang Noche Buena at ang masigabong pagsalubong para sa isang Manigong Bagong Taon.
Wala nga tayong malalapad na kalsada, at pawang Sarao at pedicab lamang ang gumagala sa ating lansangan pero sa kasalukuyan sapat naman ito para makarating sa ating patutunguhan. Wala rin tayong Autum at Winter, dahil ayon na rin kay Bathala tag-araw at tag-ulan lamang ang tanging kailangan sa pagtatanim at pag-aani sa mayaman at matabang lupa ng ating kabukiran.
Lagi kong sinasariwa ang aking pagkabata, sa tuwing sasapit ang dapit hapon akoy’ laging nakapamintana. Mula sa malawak na karagatan ng Manila Bay na aking natatanaw, ako’y matiyagang naghihintay sa makulay na paglubog ng Haring Araw. Isang pangitain na hindi ko pinagsasawaan na balik-balikan at hindi ko ito nakita sa ibang bansa.
Ngayon alam ko na kung bakit ang mga dakilang bayani na minsan ay namuhay sa ibang bansa bilang mga banyaga, tulad nila Gat Jose Rizal at Senador Benigno Aquino ay walang takot na nagbalik sa Pilipinas dahil sa labis na pangungulila na tayo ay muling makasama.
Silang mga tinaguriang Bagong Bayani ng Bayan na mas kilala sa tawag na Pinoy Expats o OFW na nagsilikas upang labanan ang pambansang kahirapan sa ibang bayan, kahit ilang taon man silang mga banyaga, sila'y nanabik na magbabalik sa ating bansa dahil AKO, IKAW AT SILANG MGA OFW - TAYO AY IISA AT PARE-PAREHONG MGA PILIPINO, nananabik na muling makasama at makita ang kanilang mga kapamilya, kababayan at ang kagandahan ng Bayang Sinilangan na sa Pilipinas lamang makikita.
Kaibigan, tangkilikin natin ang ating mga kababayan at ang sariling bayan, sana magtulungan tayo para makamtan ang tunay na pagbabago para sa Pilipinas at Lahing Pilipino.