"Do not follow where the path may lead. Go instead where there is no path, and leave a trail" (Ralph Waldo Emerson)
Sa daigidig na ating ginagalawan, may mga pangkaraniwang tao na lumilikha ng mga pambihirang gawain – sila’y namamayagpag saan mang sulok ng daigdig sa pagharap sa bawa't hamon ng buhay upang maabot ang kanilang mga munting pangarap. Sila ang mga tinaguriang Migranteng Pilipino na mas kilala sa tawag na OFW.
Hinarap nila ang hamon ng pangingibang-bayan, binaybay ang malawak na karagatan, halos abutin ang mga ulap sa kalangitan, pinanhik ang mga kabundukan, naglakbay sa mga desyerto at kapatagan. Hindi inalintana ang pinakamatinding init ng araw at ang kakaibang lamig na hatid ng nyebe na hindi naranasan sa sariling bayan.
Ang mga kwento ng katapangan at kalungkutan, tagumpay at kabiguan, sa kabila ng mga hamon ng buhay. Sila ay kinilala at tinanggap sa buong mundo.
Sila Ang Mga Naglakas Loob Upang Maging Kakaiba,
Sila Ang Mga Naglakas Loob Upang Mamayagpag
Ayon sa pagsusuri ng Phil. Migration and Development Statistical Almanac of the Institute of Migration and Development Issues (IMDI), sa buong daigdig, naitala na may mamamayang Pilipino sa 239 na bansa. Sa kabuuang bilang, 209 na bansa ay kasapi sa United Nations. Ang nalalabing 30 ay hindi kasapi ng UN kung saan kabilang ang mga isla at teritoryong hindi kilala ng nakararaming Pilipino.
Sa bawa’t araw, halos 3,000 ang lumalabas ng bansa bilang migranteng Pinoy. Kasalukuyang may mahigit 12 milyong Pilipino Expats o OFW ang matatagpuan sa ibat ibang sulok ng mundo,
Sila'y kahalintulad ng mga tala sa madilim na kalangitan na nagbibigay ningning sa mapanglaw na gabi. Dahil tayong mga Pilipino ay maihahalintulad sa mga batong-hiyas na may kakaibang kinang, brilyo at kalidad kung saan nahumaling ang mga banyaga.
Sa pandaigdigang populasyon ng paglalayag, 25% nito ay pinamamahalaan ng mga Pilipino “seafarers”. Ang ating mga nurses at caregivers ay bahagi ng “Global Human Ecology of Caring” kung saan binuksan ng Amerika, Canada, Japan at Europe ang kanilang mga pinto sa Mangagawang Pilipino.
Mataas na bilang ng ating mga kababayan sa larangan ng Entertaining Arts ang matatagpuan sa naglalaking mga hotel at casinos ng Macao, Singapore at sa Hongkong Disneyland. Sa mga 5-Star hotels at sikat na beach resorts at restaurants sa buong mundo may makikita kang manggagawang Pilipino. Mga Filipina domestic helpers ay nasa bawa’t tahanan sa Gitnang Silangan, Europa, Amerika, Hongkong. At ang mga Filipino professional, skilled and factory workers ay nasa mga bansang Korea, Saudi Arabia at Middle East, Taiwan, at Brunei. Sa literal na pangungusap, sinakop na ng manggagawang Pilipino ang buong mundo.
Sapagka't ang tinaguriang
Pilipino “Diaspora" ay kinikilala sa buong mundo dahil sa ating kakaibang talento at kakayanan sa larangan ng pagtatrabaho. Natagpuan ng mga banyaga sa ating bansa ang pinakamahalagang mina ng ginto, ito ang mina ng kadalubhasaan at talento, isang hiyas na nasa katauhan ng bawa’t Manggagawang Pilipino.
Ang mga tunay na kwento ng kalungkutan, pang-aabuso at kamatayan ng ilang mga OFW ay hindi naging hadlang upang panghinaan ng loob bagkus buong tapang na hinarap ang hamon ng pangingibang bansa.
Tiniis lahat ng mga kalungkutan, ilang Pasko at Bagong Taon, kapistahan at Flores de Mayo, ilang berdey at anibersaryo, sa bawat taon ang ating
inaala-ala ng nag-iisa. Lahat ng bagay ay tiniis, at buong sahod ay ipinapadala dahil ang katwiran ng bawa’t OFW -
“Pamilya Ang Laging Una”.
Sa pag-apak natin sa ibang bansa bilang mga banyaga, nananabik tayo na makakakita ng kapwa Pilipino, may balat ay kayumanggi, ilong na may pagkapango at katamtamang taas – at hindi natin ikinahiyang wikain ang mga salitang
“Kabayan, Pilipino Ka Ba?”
Dinala nila sa ibang bansa ang ating kulturang Pilipino, bitbit sa maleta ang mga balot at itlog na pula, tuyo, dilis at daing, bagoong na nilahukan ng baboy, manggang kalabaw, mga kamisetang may disenyong “Araw at Bituin” at “alpombrang” sinelas na gawa sa Marikina.
Isang kamalayan ng lahing Pilipino na sa paglikas mula sa sariling bayan patungo sa ibang bansa sa paghahanap ng katugunan sa kanilang munting pangarap, bitbit natin ang ating mga puso ang kinagisnang
Pananampalataya.
Bagama’t banyaga, lakas-loob na lumikha ng “munting bansa” sa pamamagitan ng paglulunsad ng matibay na “Filipino communities” bilang sagisag ng nagkakaisang OFW. Lumabas ang pagiging pilantropo nating mga OFW sa patuloy na pagtulong natin sa mga kababayan naitn sa Pilipinas na naging biktima ng iba’t ibang kalamidad tulad ng bagyo, lindol, sunog at pagbabaha.
Ang ating pananatili sa ibang bayan ay isang mukha ng pakikibaka ng Pilipino bilang
OFW laban sa pambansang kahirapan. Bagama’t wala sila sa kahabaan ng EDSA at tulay ng makasaysayang Mendiola, nakibahagi pa rin silla sa mga kilos protesta sa mga lansangan ng Amerika, Canada, Europa, Hongkong at Taiwan. Sila'y nanindigan,
Pambansang Halalan ay aming sinuportahan at
Saligang Batas ay aming binantayan.
Karamihan sa kanila ginamit ang kapangyarihan ng blog, ang isang uri ng makabagong literatura - ang paninindigan ay kanilang ipinahayag. Dito lumabas ang bagong talentong Pinoy, sila'y nanatiling mapagkumbaba at hindi na nais pang magpakilala sa madla, Sa malayang kaisipan kanilang ibinahagi ang kwento ng kanilang buhay bilang OFW, ito'y nagbigay daan upang ang makababasa ay mabigyan ng pag-asa sa kabila ng pinagdadaanang mga hilahil sa buhay.
Subalit kahit ilang taon silang naninirahan sa ibang bansa bilang banyaga hindi pa rin maipagkakaila ang kanilang pangungulila na makabalik sa sariling Bansa.
Kung ang ating mga pawikan sa karagatan at mga ibon sa kalawakan, libo-libong milya man ang kanilang binaybay, sila’y muling nagbabalik sa kanilang pugad na kinagisnan, tayo pa kayang mga tao at tunay na Pilipino na pawang nananabik na makasama ang mga mahal sa buhay at kapwa mamamayang Pilipino.
"The cry of the Israelites has reached me, and I have also seen how the Egyptians are oppressing them; so come now, let me send you to Pharaoh, that you may bring my people, the Israelites out of Egypt"(Exodus 3:9-10).
Isang pagpupuri sa kadakilaan ng Global Filipinos saan mang sulok ng mundo, sila ang tunay na "Pag-asa Ng Bayan", sila ang "Handog sa Mundo".
Salamat sa KABLOGS at PEBA sa pamamagitan ng mga panulat sa blog tinig ng mga OFW ay nadinig, sila'y napuna at binigyan ng pagpapahalaga.
Isang pagpapatunay na kapwa Pilipino lamang ang higit na makakaunawa at makapagbibigay ng tunay na pagmamahal sa kanyang kapwa kababayang OFW. Kaya kabayan, sana pahalagahan natin ang kontribusyon ng ating mga kapwa Migranteng Pilipino.
Sana ikaw at ako - tayong dalawa, nawa'y ang tunay na pagbabago sa ating bansa ay sa ating dalawa magsimula, upang sa pagdating ng panahon walang ng OFW na kailangang mangibang bayan, dahil napakasarap isipin kung walang iwanan sa Bayan ni Juan.